Abante Tonite Interactive

Pagkamatay ng paslit sa buy-bust iimbestigahan sa Senado

243

Naghain ng panukala si Senadora Risa Hontiveros para imbestigahan ang pagkamatay ng 3-taong gulang na si Myca Ulipina, na nadamay sa buy-bust operation sa Rodriguez, Rizal noong Hunyo 30.

“Dapat malaman kung sino ang responsable sa kanyang pagkamatay, at panagutin ang tao o ang mga taong ito at mabigyan hustisya ang kanyang pamilya,” sabi ni Hontiveros sa forum kahapon sa Senado.

“And following on that painful experience and lesson, magkaroon talaga ng proteksyon para sa mga bata. Kasi hindi una si Myka sa namatay o unang tinarget sa ilalim nitong war on drugs,” dagdag nito.

Ayon pa sa senador, ang pagkamatay ng inosenteng buhay ay hindi katanggap-tanggap bilang reyalidad sa police operation.

“Hindi maaaring maging business as usual at everyday reality ang pagkamatay ng mga inosenteng buhay lalo na ang mga bata sa ilalim ng war on drugs ni Pangulong (Rodrigo) Duterte,” anang mambabatas.

Tinanggap naman ni Hontiveros ang paghingi ng tawad ni Senador Ro­nald ‘Bato’ dela Rosa hinggil sa ‘sh*t happens’ remark nito kaugnay ng pagkamatay ni Myka sa nasabing operasyon.

“I’m glad that Senator Dela Rosa apologized for his remarks. So with that settled, I hope the Senate can now look into the circumstances that led to that child’s death,” ani Hontiveros.

Umaasa itong matutukoy sa gagawing imbestigasyon ng Senado ang res­ponsable sa pagkamatay ni Myca.

“Dapat bukod sa findings, magkaroon ng rekomendasyon at i-implement ‘yung mga rekomendasyon kung paano siguruhin talaga ang kaligtasan ng mga bata sa ating mga law enforcement operation,” sabi pa ni Hontiveros. (Dindo Matining)