Abante Tonite Interactive

Pagkatapos ng 17 season: Parker, Spurs nagkanya-kanya

2,660

Nabulaga ang NBA nang pumutok ang balita na lalayasan na ni Tony Parker ang San Antonio Spurs para lumipat sa Charlotte.

Hindi si Kawhi Leonard ang tuma­lon, kundi ang point guard na na­ging importanteng piyesa sa apat na kampeonato ng Spurs noong 2003, 2005, 2007 at 2014. Kasama niya sa championship run sina Tim Duncan at Manu Ginobili.

Free agent si Parker, 36, at puma­yag na raw sa two-year, $10 million deal sa Hornets. Kung nanatili sa Spurs ay mas maliit daw ang tatanggapin ng 17-year veteran.

Kumalat ang balita nitong Biyernes nang mag-tweet si Nicolas Batum, matagal nang kasama ni Parker sa French national team na nasa Hornets din. “Number 9, I see you soon in Buzz City my big bro …” tweet ni Batum (@nicolas88batum).

Bago natapos ang season ay nabanggit ni Parker na “100 times worse” ang quadriceps injury niya kumpara sa inabot ni Leonard. Naka­balik si Parker sa kalagitnaan ng season samantalang si Leonard ay naka-siyam na laro lang noong 2017-18.

“I have no problem with Kawhi Leonard,” sagot ni Parker sa The Undefeated nang matanong kung may tampuhan sila ng kakampi. “We never had an argument.”

Giniit ni Parker na “always be a Spur” siya kahit lumayas na sa San Antonio at iniwan si coach Gregg Popovich.
“Tough decision. Tough three day. Tough communicating it all to Pop. But I had to move on,” aniya. (VE)