Abante Tonite Interactive

Pagkatapos ng bigas Villar paiiyakin mga sugar farmer

500

Aminado si Senador Cynthia Villar na hindi na mapipigilan ang pagpasok ng imported na asukal sa bansa na malaking dagok sa mga magsasaka oras na maganap ang sinasabi ng mambabatas.

“It is just a matter of time,” sabi ni Villar na siyang chairperson ng Se­nate Committee on Agriculture.

Ipinahayag ito ng senador matapos magtungo sa Negros Occidental noong Biyernes, Enero 17, upang tingnan ang kasalukuyang sitwasyon ng industriya ng asukal sa nasabing lalawigan, kasama sina Senador Juan Miguel Zubiri at Finance Assistant Secretary Antonio Joselito Lambino.

Taliwas ang sinasabi ni Villar sa nauna nitong paninindigan kontra sa planong buksan ang industriya ng asukal para makapasok ang mga imported na asukal.

Matatandaang kabilang sina Villar at Zubiri sa 22 senador na lumagda at nagpasa ng isang resolusyon na humihimok sa Palasyo na huwag ituloy ang planong sugar import li­beralization upang protektahan ang kapakanan ng mga sugar farmer sa may 20 probinsya sa bansa.

Si Villar din ang sinisisi ng mga magsasaka dahil sa inakda nitong Rice Tariffication Law na nagpahirap sa kanila matapos bumagsak ang pres­yo ng palay kasunod ng pagbaha ng imported na bigas sa merkado.

Samantala, inihayag ni Villar na itutulak niya ang pagtatatag ng National Sugar Program makaraang mabigo ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na ipatupad ang Sugar Industry Development Act (SIDA) na naglalaan ng P2 bilyon para sa development program ng industriya ng asukal.

Sinabi naman ni Sen. Zubiri na kailangang hanapan ng solusyon ang kinakaharap na problema ng industriya ng asukal.

Aniya, pansamantala nilang pinatigil ang planong sugar liberalization hangga’t bumubuo sila ng mga panukala na tutulong para maiwasan ang paglobo ng presyo ng asukal na magpapahirap sa mga magsasaka. (Prince Golez/PNA)