Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagkilala sa kakayahan ng mga PWD

0 181

Sa pagdiriwang ng International Day of Persons with Disabilities nitong Disyembre 3 ay binigyang pugay natin ang husay ng ating mga kababayan na may disabilities sa kanilang masigasig na pagtatrabaho, pagbabahagi ng talento, pagseserbisyo at pagtulong sa kapwa.

Sa kabila ng hamon na dulot ng kanilang kalagayan ay hindi natin tinitignan ang PWDs bilang marginalized sector.

Marami sa kanila ay masisipag na economic frontliners ng ating bayan na malaki na ang naging ambag sa pagbubukas ng maraming industriya. Buo ang suporta ng lungsod ng Taguig sa kanilang empowerment at pagbibigay ng mas marami pang oportunidad sa trabaho.

Ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang mga programa na tutugon sa kanilang pangangailangan at huhubog pa sa kanilang galing sa iba’t ibang larangan para sa aktibo nilang partisipasyon sa lipunan.

Sa larangan ng pagseserbisyo sa bayan ay marami sa mga matatagal nang empleyado sa lokal na pamahalaan ang PWDs. May monthly allowance rin para sa PWD officers ng bawat barangay.

Lubos ang pasasalamat ng buong Taguig community sa kanilang patuloy na pagtatrabaho at pamumuno para patakbuhin ang mga opisina sa lungsod. Ginagabayan ng lokal na pamahalaan ang PWDs sa pamamagitan ng pagsasagawa ng trainings at workshops para sa kanilang trabaho.

Ang Taguig bilang isang caring community, sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) Taguig, ay tapat din sa adhikain nitong protektahan ang kapakanan ng bawat taong may disability sa lungsod.

Isa ang PWDs sa mga sektor na prayoridad sa pagbabakuna laban sa COVID-19, gayundin sa kasalukuyang pagbibigay ng COVID-19 booster shots. May mga nakalaang priority lanes para sa kanila sa Taguig vaccination hubs.

Related Posts

Hindi lamang ngayong pandemya binibigyang halaga ang kanilang kapakanan. Ang lahat ng mga opisina at serbisyo sa Taguig ay may priority lanes para sa kanila at mayroon ding PWD-friendly facilities.

Para naman sa mga registered PWDs sa lungsod, masaya ang salubong ng kanilang kaarawan dahil sila ay nakakatanggap ng P1,000 birthday cash gift kada taon.

Hindi rin nahihinto ang pagbibigay ng medical at financial assistance para sa PWDs sa lungsod. May libre pang hatid sundo sa ospital, clinic o health center para sa kanila.

Mayroon ding establisyamentong nakalaan para sa mga PWDs sa Taguig. Matatagpuan sa Barangay North Signal ang PWD Center ng lungsod. Pinapaganda ngayon ang mga pasilidad para kapag nagbukas sa publiko ay magkakaroon muli ng livelihood trainings, transition programs, tutorial services at showrooms para sa mga produktong handicraft na gawa ng Taguigeño PWDs.

Ang SPED Center Complex naman sa Barangay Calzada-Tipas ay nakalaan para sa PWD children. Mayroon itong consultation rooms, classrooms, function halls, comfort rooms, garden at pool kung saan pwedeng magtipon ang mga kabataan at magsagawa ng recreational activities.

Ang mga PWDs ay mga produktibong miyembro ng lipunan at malaki ang ginagawang sakripisyo para sa kanilang pamilya at komunidad. Kaya sa Taguig, ang mga kababayang PWDs ay makakaasa sa patas na oportunidad at pagprotekta sa kanilang karapatan lalo na mula sa diskriminasyon.

Ang mga PWDs ay nagsisilbing inspirasyon at modelo ng ating bayan lalo na sa patuloy nating pagbangon mula sa pandemya. Nararapat na ang lahat ng PWDs ay ating suportahan at pahalagahan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.