Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagkilala sa mga Haligi ng Taguig sa Foundation Day

0 367

Ipinagdiwang nitong Abril 25 ng Taguig ang 434th Foundation Day ng lungsod. Simple lamang ang ating pagdiriwang dahil na rin sa krisis na kinakaharap ng buong bansa ngayon. Sa paggunita ng ating Foundation Day, ating binibigyang pugay ang pundasyon ng bawat tahanan—ang ating mga senior citizens na magulang o tumatayong magulang sa mga anak ng Taguig.

Malaki ang ginampanan ng ating matitikas na mga senior citizens sa kasaysayan ng lungsod. Malaking bahagi ng Taguig ay lupa dati ng kampong militar kaya’t madami rin ang mga retirado na dito na sa Taguig namalagi. Sa Foundation day ng Taguig, atin ding ginugunita ang kanilang mga naging produktibong kontribusyon sa lungsod at ating bansa.

Pinapahalagahan ng lokal na pamahalaan ang patuloy na pag-alaga at pagprotekta sa mga senior citizens noon pa man at lalo na sa panahon ng pandemya.

Sa bawat pagdiriwang ng kanilang kaarawan, birthday cash gifts ang handog ng lokal na pamahalaan sa mga senior citizens. Taun-taon ay nakakatanggap ng P3,000 cash gift ang mga senior citizens na may edad na 60 hanggang 69 years old, P4,000 para sa mga 70 hanggang 79 years old at P5,000 para sa mga 80 hanggang 99 years old.

P100,000 cash incentive naman ang kaloob ng lokal na pamahalaan sa mga senior citizens na 100 years old pataas o centenarians. Nagkakaloob ang lungsod ng P100,000 para sa bawat taon lagpas ng 100. Halimbawa nito ang isang beterano na edad 106 years old at nakatanggap na ng higit P600,00 mula sa lokal na pamahalaan. Nagsimula ang pagbibigay parangal at cash incentives sa mga Taguig centenarians noong 2012 sa ilalim ng pamumuno ni Congresswoman Lani Cayetano na noon ay punong lungsod ng Taguig.

Itinayo rin ang kauna-unahang Center for the Elderly ng lungsod sa Barangay North Signal Village. Sa nasabing 5-storey center nagtitipon ang mga senior citizens upang magpahinga at gamitin ang mga pasilidad at serbisyong handog ng center tulad ng therapy pool, massage rooms, sauna, gym, multi-purpose halls, theater at rooftop garden.

Dahil sa umiiral na community quarantine at para sa kaligtasan ng lahat, itinatag ng lokal na pamahalaan ang Online Senior Center and Resources o OSCAR na matatagpuan sa taguiginfo.com na nagsisilbing online counterpart ng Center for the Elderly. Naglalaman ito ng mahahalagang paalala at iba pang impormasyon patungkol sa aktibong lifestyle para sa mga senior citizens.

Bukod pa rito ay may libreng house-to-house delivery ng maintenance medicines para sa mga Taguig seniors na may diabetes, hypertension at heart disease.

Ang mga senior citizens din ay kabilang sa A2 priority group ayon sa Department of Health (DOH) na isa sa mga una sa listahan sa COVID-19 vaccination program ng lungsod.

Sinisiguro ng lungsod na laging ligtas ang mga Taguig seniors at sila ang mauunang mababakunahan dahil sila ay bahagi ng vulnerable sector na higit na apektado kung matatamaan ng COVID-19.

Ang ating mga senior citizens ang isa sa pinakamahalagang yaman ng ating bayan. Maraming taon ang ginugol nila sa pagtataguyod ng kanilang pamilya at pagtatrabaho nang marangal upang maging produktibong mamamayan sa ating ekonomiya.

Marami sa kanila ang patuloy sa trabaho hanggang ngayon at tumutulong sa pag-aalaga ng kanilang pamilya. Sa kabila ng kanilang katandaan, kung kaya pa ng katawan ay nananatili silang masipag at mapagmahal na miyembro ng kanilang komunidad.

Marapat lamang na suklian natin ang kanilang mga sakripisyo at pagsisikap. Ito ang ating taos pusong paraan upang maipakita at maipadama na sa Taguig, ang ating mga minamahal na senior citizens ay laging bida.

Leave A Reply

Your email address will not be published.