Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagkilos ng NBI sa online sexual exploitation napapanahon

0 513

KUMILOS na pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa biglaang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng online sexual exploitation na kinasasangkutan mga batang menor de edad habang abala ang bansa sa pakikipagdigma laban sa COVID-19 pandemic.

Napapanahon ang pagkilos na ito ng NBI upang tuldukan na ang patuloy na pagdami ng mga kabatang babae o maging lalaki na nabibiktima ng mga sexual predator online.

Marahil ay epekto ito ng paglipat ng malaking populasyon ng ating mga kababayan sa online bilang bahagi ng komunikasyon sa gitna ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at kapansin-pansin ang kakaibang klase ng pandemya online hinggil sa sexual exploitation ng mga bata.

May ilang civil society organizations sa ilalim ng Child Rights Network (CRN) ang nag-ulat na may mga online users ang namamahagi at nagbibenta child sexual abuse materials.

At ang malupit sa sitwasyong ito ay nagaganap habang nasa kasagsagan tayo ng quarantine at hindi natin alintana ang kaligtasan ng mga bata sa internet dahil nakatuon tayo sa kaligtasan ng bawat isa na baka mahawa sa nakamamatay na virus.

Dahil sa lawak ng pagkakaroon ng internet connection sa bansa at hindi nakakalabas ang mga bata dahil sa ECQ ay naubliga ang mga ito na magpalipas ng oras online kung saan ang mga manyakis ay umaatake at binibiktima ang mga bata.

Sinasamantala ng mga sexual predators ang pagbababad online ng mga bata at nilalason ng mga ito ang walang muwang na isip ng mga menor de edad para mairaos ang kanilang kamanyakan.

Ang nakakabahala dito ay ang patuloy na pagbagsak ng ating ekonomiya dahil sa pandemya, posible kasi itong magtulak sa ilan nating kababayan na ibugaw ang mga bata online para kumita ng pera dahil nagipit na ngayong lockdown.

Maging ang Save the Children Philippines ay sumasang-ayon na ang madalas na pagbababad online ng mga bata ay maglalantad sa kanila sa cyber bullying, risky online behavior, online sexual abuse at exploitation na karaniwang nangyayari na ngunit mas tumaas lamang ngayong pandemya.

Bukod sa COVID-19 pandemic ay tinatawag itong secret pandemic na lubhang nakakaapekto sa mga bata na dumaranas ng iba’t-ibang karahasan, stress at pagkabalisa sa loob mismo ng kanilang tahanan dahil sa sobrang pagkalantad sa online platforms.

Maging ang Commission on Human Rights (CHR) ay nakakatanggap ng mga sumbong na laganap na ang sexual harassment online laban sa kababaihan kabilang na ang mga menor de edad.

Lumalabas na sa Facebook lamang ay mga pribadong grupo ang nagsulputan na nagpapakalat ng mga video scandal at mga malalaswang larawan na inilabas ng walang pahintulot mula sa mga biktima ng kahalayan.

Umaabot umano sa puntong ang mga biktima ay minumura, tinatakot na papatayin at pinagbabantaang gagahasain at may mga kaso na ang biktima ay nahinto sa pag-aaral o nawalan ng trabaho dahil sa sobrang harassment na ginagawa ng ilang masasamang loob online.

Sa ngayon ay hindi lang COVID-19 ang problema dahil nagbunga ito ng panibagong suliranin hinggil sa online sexual exploitation ng mga bata at hindi lang ito sa ating bansa nangyayari.

Kaya dapat ay bantayan nating mabuti ang ating mga anak upang hindi mabiktima ng mga manyakis online na alam kong isang araw ay masasakote din ng pulisya at sa loob ng kulungan magbabayad sa kaniyang kamanyakan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.