Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paglalahad ng COVID case sa bansa, babaguhin ng IATF

0 327

Babaguhin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang estratehiya sa paglalahad ng mga kaso ng COVID cases sa bansa.

Sa kanyang ulat kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang bibigyang-diin nila ay ang mga aktibong kaso ng COVID sa halip na ang kabuuan ng naimpeksiyon ng COVID-19.

Balewala aniya ang mga hindi aktibong kaso kaya tututok sila sa bagong sistema habang wala pang natutuklasang gamot o bakuna laban sa COVID-19.

“Magkakaroon po tayo ng major change also in communication, sa pamamagitan ng pagbasa ng active cases, kabahagi po ‘yan nung ating bagong estratehiya sa ating communication, ” ani Roque.

Ibinida ng kalihim na mataas ang recoveries o gumaling sa COVID-19 at bumababa naman ang mga namamatay batay sa datos ng Department of Health.

Sinabi ni Roque na sa pagbubukas ng ekonomiya ay lalong paiigtingin ang T3 o ang testing, tracing at treatment para maprotektahan ang mga mamamayan na posibleng madaling kapitan ng COVID-19, partikular ang mga senior citizen, mga buntis at may mga sakit.

Binigyang-diin ng kalihim na nakatulong ng malaki ang ipinairal na lockdown sa bansa dahil kung hindi ito ginawa ay posibleng mayroong 3.6 milyong Pilipino na nagkasakit ng COVID-19, batay na rin sa pagtaya ng University of the Philippines. (aileen taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.