Abante Tonite Interactive

Paglikida sa narco mayor planado — MPD

341

Pinagplanuhang mabuti at mga bihasa ang mga suspek na nasa likod ng pagpaslang sa alkalde sa isang bayan ng Maguindanao, na nasa ‘narcolist’ ni Pangulong Rodrigo Duterte, noong Pebrero 11 sa harap ng isang hotel sa Malate, Maynila.

Ito ang nabatid kahapon sa Manila Police District (MPD)-Homicide Section nang tanungin sa estado ng kaso ni Abdul Wahab Sabal, 45-anyos, mayor ng munisipalidad ng Sultan Sumangka (da­ting Talitay), sa Maguindanao.

Ayon kay PCapt. ­Henry Navarro, hepe ng MPD-homicide section, patuloy pa rin ang back tracking sa naganap na insidente ng mga tauhan nito at MPD-PS 9 sa nangyari.

“Malabo ‘yung kuha ng CCTV, ang nakita lang ‘yung pagtakbo ng mga tao at pagsubsob noong mayor kaya nagsasagawa ang mga pulis ng back tracking,” ayon kay Navarro.

Sinabi ni Navarro na alam ng mga suspek kung saan poposisyon na hindi mahahagip ng camera.

Nalaman na may tama ng dalawang bala sa likod ang alkalde bago ito tuluyang bumagsak.

“Halatang pinagplanuhan,” dagdag naman ni PEMS Jonathan Bautista.

Magugunita na kagagaling lang ng biktima sa isang convention sa Pasay kasama ang kanyang maybahay na si Mohana Sabal at bodyguard na si PCpl Alwal Guimad, 41. Kabababa pa lang nito sa gray Toyota Fortuner, na may plakang MFN-566 nang ratratin habang papasok na para mag-check in sa Mannra Hotel sa Quirino Ave­nue, Malate. (Juliet de Loza-Cudia)