Abante Tonite Interactive

Paglilinis sa Manila Bay uumpisahan na

401

Sisimulan na nga­yong buwan ang pagpapatupad ng mga hakba­ngin para linisin ang Manila Bay na ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay lalo pang lumala ang kalaga­yan sa nakalipas na 10 taon matapos ipag-utos ng Supreme Court (SC) ang rehabilitasyon nito.

Sa Enero 15 nakatakdang makipagpulong ang DENR sa mga stakeholder upang talakayin ang gagawing hakbang para sa paglilinis ng Manila Bay.

Ayon kay DENR Undersecretary Sherwin Rigor, una sa kanilang agenda ay panagutin ang mga local official na nagpabaya sa kanilang tungkulin at hindi sumunod sa ipinag-uutos ng SC.

Naglabas ng desisyon ang SC noong 2008 kung saan inatasan nito ang DENR at iba pang ahensiya para linisin at isai­lalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay.

Nakapaloob pa sa desisyon ng SC ang operational plan para sa Manila Bay Coastal Strategy pero hindi naman ito naaksyunan.

Kabilang sa mga lugar na nakakasakop sa coastal area ng Manila Bay ang Metro Manila, Bataan, Pampanga, Bulacan at Cavite.

Ayon kay Rigor, kanila na ngayong sinisiyasat ang mga sewage pipe na dumadaloy patungo sa Manila Bay habang tinitingnan naman ng Department of the Interior and Local Government ang rekord ng mga lokal na pamahalaang nakakasakop dito para malaman ang kanilang kabiguan sa pagpapatupad ng mga environmental law.

Pananagutin din umano ang mga local government unit na pinayagang manirahan ang mga informal settler sa mga estero na dumadaloy patungong Manila Bay. (Tina Mendoza)