Abante Tonite Interactive

Pagmamahal ni Bong kay Lani wagas nang makulong

322
tonite-imo-vinia-vivar
Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang kanyang pag­laya noong nakaraang Disyembre, humarap si Bong Revilla sa lunch na ginanap kahapon sa Gloria Maris Restaurant sa Greenhills.
Present ang dalawang matriarch ng Philippine showbiz na sina Mother Lily Monteverde at Marichu (Manay Ichu) Vera-Perez Maceda na siyang nag-host ng nasabing lunch, Roselle Monteverde, Tirso Cruz III na long-time friend ng mga Revillas, Annabelle Rama, and of course, asawa ni Sen. Bong na si Bacoor Mayor Lani Mercado.
Needless to say, masayang-masaya si Bong na umaming na-miss niya ang showbiz press at ang showbiz as a whole. Pero may mga pagkakataong nagi­ging emosyonal pa rin siya kapag naaalala ang bangungot na nangyari sa kanyang buhay.
Sabi nga niya, napakasakit daw talaga ng nangyari sa kanya kung saan ay apat na taon mahigit ang nawala sa kanyang buhay dahil sa kanyang pagkakakulong.
Ang malaking pagkakamali niya raw talaga at pinakamalaking lesson na natutunan niya ay ang maagang pagdedeklara niya noon na tumakbo sa higher position.
“Very painful. ‘Yun talaga. In fact, napagsabihan na ako ng isang senador diyan, ‘huwag kang magdedeklara nang maaga.’ In fact, ang nagsabi sa akin noon, si Ninong Manny ­Villar, which is true.
“In-announce lang ng isang kapartido ko that I will be running for a higher position, hindi nagtagal, 2 weeks, 3 weeks, boom, boom, boom, wala nang tigil,” pahayag ni Bong.
“Sabi ko nga, gusto ko nang kalimutan ‘yun, let’s move forward. Isipin na lang natin, para sa bayan,” dagdag pa niya.
Kahit masakit ay pinili na lang daw niyang magpatawad sa mga taong gumawa nito sa kanya.
“It’s so painful, painful experience but sana, huwag nang maulit. Dahil itong ano na ‘to, pinatawad ko na sila. Pagka magbebenggahan pa kami, ang maaapektuhan lang, taumbayan, eh.”
Sinabi rin ni Bong na tinanong niya ang kanyang amang si former Senator Ramon Revilla Sr. kung ano ang gagawin niya sa mga taong nagpakulong sa kanya at ang sabi raw nito ay patawarin na lang niya ang mga ito.
“Naluha ako nun’g sinabi niya sa akin ‘yun, pero I have to listen to him. Parang Diyos na rin ang nagsalita. Kung ang Panginoon nga, nakakapatawad, ang tao pa kaya?
“I just hope na huwag nang maulit. At maging sa mga kababayan natin na hinusgahan din ako noong una, sana po, tama na po. Masakit na po ang dinanas ng aking pamilya, ‘yung sa akin, grabe, hindi biro.
“Lahat ng santo, lahat ng Diyos, tatawagin mo. Pero ang Panginoon talaga, hindi Niya ako pinabayaan,” saad pa ni Bong.
Sa apat na taong mahigit na pagkakakulong niya, aniya ay na-realize rin niya kung gaano siya kamahal ng asawa.
“Siya ang tumindig na ina, tatay ng tahanan, ibang klase. Siya ‘yung umiikot sa buong bansa para ikampanya ako noong unang nagdeklara ako na tatakbo ako.
“Habang napapanood ko ‘yun sa TV, du’n ako naano, sabi ko, hindi ako nagkamali ng pagpili sa kanya bilang asawa ko,” he said.
Sa ngayon ay ang nalalapit na eleksyon muna ang aasikasuhin ni Bong and after elections ay saka siya magbabalik-showbiz. May gagawin siya agad na mo­vie at sinigurado niya rin na sasali na siya sa Metro Manila Film Festival this year.
Target ni Bong na makasama sina Vice ­Ganda, Maine Mendoza o Pia Wurtzbach.