Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan

265

Isinumite rin ng pulisya ang resulta ng isinagawang autopsy examination na isinagawa ni Dr. Voltaire Nullod, ang medico-legal officer ng Southern Police Distric (SPC) Crime Laboratory kung saan nakasaad na nasawi ang biktima sanhi ng kabuuang 12 tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, braso at kamay.

Natalaga naman bilang tagausig sa naturang kaso si Assistant City Prosecutor Janette Herras-Bagas na nagkatakda ng preliminary investigation noong Pebrero 16, 2011 matapos na masuri ang mga isinumiteng dokumento ng pulisya.

Gayunman, hindi dumalo si Kristoffer sa unang pagdinig at sa halip, ang kanyang amang si Von Moraleja at abogado ang humarap at pinabulaanan ang pahayag nina PO3 Geraldino at PO2 Arcinue na sinabi niya sa pulisya na ang kanyang anak ang sumaksak sa biktima.

Maging ang pahayag ng mga kasamahan niya sa barangay na sina Mari at La Torre, Jr. na narinig nila ang sinabi ng dalawang bata na nag-away ang kanilang kuya at biktima at may tama na ng saksak si Myka ay sinalungat din ni Von Moraleja at sinabing hindi pumasok ng barangay hall ang kanyang mga anak kundi sinenyasan lang siyang lumabas at doon sila nag-usap kaya’t imposibleng marinig ng mga nasa loob ang kanilang pag-uusap.

Ayon pa kay Von Moraleja, nang magtungo sila sa kanilang bahay, kasama ang dalawang tanod, naroon pa ang kanyang anak na si Kristoffer at ang alam niya ay kasunod niya nang magtungo sa pagamutan subalit hindi na aniya niya nakita ang anak at hindi rin niya ma-kontak sa kanyang cellular phone.

Nang bumalik siya sa kanilang bahay, nagulat aniya siya nang makitang bukas ang kanilang cabinet at wala na ang kanyang mga alahas subalit sa kagutuhan niyang mahanap ang anak ay hindi na niya inintindi kung anuman ang mga nawala sa kanya.

Isinumite rin ni Von Moraleja sa piskalya ang pinagsamang testimonya nina Barangay Chairwoman Marlin Jocson at mga kagawad na sina Wilma Malinay at Venus Odi na nagpapatunay na hindi pumasok sa barangay hall ang mga anak ng barangay Ex-O kundi sinenyasan lang ang kanilang ama at sa labas sila nag-usap kaya’t hindi nila narinig ang usapan ng mag-aama.