Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan

346

Part 14

Ipinakalat din nila sa facebook ang larawan ni Kristoffer na umani ng napakaraming suporta sa mga gumagamit ng naturang website na naging dahilan upang kahit paano’y maibsan ang pagdadalamhati ng pamilya.

Maging ang pamunuan ng St. Paul University Manila sa pamamagitan ni Marionette Ocampo-Martinez na tumatayong Institutional Communications and Public Relations Officer ng pamantasan na pinapasukan ni Myka ay lumiham noong Marso 9, 2012 kay dating Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Rico Puno upang umapela na tulungan ang pamilya ng napaslang sa paghahanap sa akusadong si Kristoffer.

Kaagad namang tumugon noong Marso 14, 2012 ang kalihim sa naturang liham at sinabi na ang kanilang apela ay ipinarating na niya kaagad sa tanggapan ni Police Director General Nicanor Bartolome na noon ay siyang pinuno ng Philippine National Police (PNP)

Maging ang Pasay City Police ay tumugon din sa liham ng naturang pamantasan sa pamamagitan ni Chief Insp. Joey Goforth at tiniyak na lahat ng kanilang makakaya at kanilang ginagawa upang madakip sa lalung madaling panahon si Kristoffer.

Naglaan din ng halagang P150,000 ang kapulisan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Kristoffer para sa agaran niyang ikadarakip bukod ito sa pagbuo ng Tracker Team na kinabibilangan nina Police Insp. Sonny Nacorda, SPO1 Edgar Bolivar, PO3 Harris Paned, PO2 Rolando Carbonell at PO2 Reynaldo Guevarra.

Una ng sinuyod ng Tracker Team ang mga lugar sa lalawigan ng Bulacan at Sta Cruz, Laguna batay sa natanggap na impormasyon na namataan sa naturang mga lugar si Kristoffer subalit nanatiling bigo ang kapulisan sa pag-TUGIS sa akusado.

Mahigit walong taong nagsagawa ng pag-TUGIS ang mga tauhan ng Pasay City Police laban kay Kristoffer subalit nanatiling bigo ang kanilang paghahanap kaya’t inilagay siya sa No. 1 Most Wanted Person sa lungsod ng Pasay at itinaas pa ng P200,000.00 ang inilaang pabuya para sa agaran niyang pagkakadakip.