Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan

320

Bagama’t hindi pa tuluyang napapatunayan ng hukuman na si Kristoffer Von ang nakapaslang sa kanyang kasintahan, naniniwala ang tagausig na malakas ang ebidensiya at mga testigo na magpapatunay na may kinalaman ang lalaki sa karumal-dumal na sinamit ng babaing kasintahan.

Sa ginawang panayam ng TUGIS kay P/Lt. Allan Valdez, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay police, sinabi niya na bagama’t walang direktang nakapagturo o nakakita kay Kristoffer Von na magpapatunay na siya ang sumaksak at nakapatay sa kasintahang si Mizzielle Jamyka Gutierrez o “Myka” sa malalapit na kaibigan at kaanak, lahat ng nakalap nilang ebidensiya na tinagurian niyang “cirmcumstantial evidence”, bukod pa sa mga nakuha nilang testigo ay direktang tumutukoy sa akusado.

Bago nangyari ang malagim na pagpaslang kay Myka noong Pebrero 1, 2011, dakong alas-7:45 ng gabi, araw ng Martes, marami ang naging saksi sa tamis ng kanilang pagmamahalan, hindi lamang ng kanilang mga kaibigan kundi pati na rin ang kani-kanilang mga magulang at kaanak.

Hindi lang ang angking kagandahan at talino ang taglay ni Myka kundi ang kanyang kasipagan at ang ambisyong makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.
Batid ng dalaga na bagama’t patuloy na nagsusumikap ang kanyang 45-anyos na amang si Alberto na mapag-aral at makatuntong siya sa kolehiyo upang matupad ang ambisyong kumuha ng kursong Bachelor of Science in Tourism, alam din niya na mahihirapan ang kanyang mga magulang na tustusan ang kanyang pag-aaral kaya’t upang makatulong ay ipinasiya niyang maghanap ng trabaho.

Una’y tutol ang kanyang mga magulang sa kanyang layuning pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral dahil batid nilang mahahati lamang ang konsentrasyon ng anak sa pagtutok sa pag-aaral.

Gayunman, kalaunan ay pumayag na rin ang mag-asawang Alberto at Marie Jean lalu na’t tiniyak sa kanila ng matalino nilang anak na kayang-akaya niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagta-trabaho.

Hindi naman nahirapang humanap ng trabaho si Myka dahil bukod sa matalino, nasa kanya ang angking ganda na isa sa kuwalipikasyon sa inaplayan niyang trabaho bilang usherrette sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay City.