Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan

263

Sa tingin ng mga kaibigan ng dalaga, mistulang nakakulong sa malaking hawla ang kanilang kaibigan sa piling ng kasintahan dahil todo bantay kay Myka si Kristoffer lalp na nang matanggap sa isang travel agency sa Makati city ang kanilang kaibigan.

Kahit hindi na sila magkasama sa trabaho, matiyagang sinusundo pa rin ni Kristoffer ang ka­sintahan kahit pa nga hindi pa nakakabawi sa pu­yat sa panggabing trabaho ang lalaki.

Habang tumatagal ang relasyon ng dalawa, nahahalata na ng mga kaibigan ni Myka ang napapadalas na pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan ng magkasintahan na posibleng dulot ng mahigpit na pagbabantay ng lalaki sa dalagang minamahal.

Nabibigyan tuloy ng ibang kahulugan ang sob­rang higpit ng pagbabantay ni Kristoffer sa kasintahan tulad ng kawalan ng tiwala kaya’t kadalasan ay humahantong sa kanilang tampuhan ang pagkakaroon ng argumento.

Walang pag-aalinlangan ang mga kaibigan at kaanak ni Myka na wagas ang pag-ibig na ipinagkakaloob ni Kristoffer sa kasintahan kaya’t kahit nagkakaroon ng tampuhan at hindi pagkakaunawaan ang dalawa ay laging ang lalaki ang sumusuyo sa dalaga upang hindi masira ang kanilang relasyon.

Gayunman, lahat ng mga kaibigan, kaanak at maging ang mga magulang ni Myka ay nagimbal nang makarating sa kanilang kaalaman ang pagkakatagpo sa duguan at wala ng buhay na katawan ng dalaga sa loob mismo ng bahay na tinitirhan ni Kristoffer sa 2434 Sarial Street, Decena, Pasay City noong Pebrero 1, 2011 ng dakong alas-7:45 nang gabi.

Mismong ang mga nakababatang kapatid ni Kristoffer na sina Kristian Von at Jelo Von Moraleja ang sumundo sa kanilang amang si Von Moraleja na isang Barangay Executive-Officer (Ex-O) sa kanilang barangay hall upang ipabatid ang nangyaring krimen sa loob ng kanilang bahay.

Kasalukuyan noon na nagsagawa ng pagpupulong sa loob ng barangay hall sa pagitan ng mga opisyal at barangay tanod kaya’t hindi nalingid sa ilang tanod ang naging usapan ng mag-aama kaugnay sa nangyaring pamamaslang sa loob ng kanilang tirahan.