Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan

0 594

Kaagad na lumabas ng barangay hall si Von upang magtungo sa kanilang bahay subalit ilang sandali lang ay muling bumalik at humingi ng ayuda sa dalawang barangay tanod na sina Fred Mari at Apolinario La Torre, Jr.

Pagdating ng tatlo sa bahay ng pamilya Moraleja sa Sarial Street, tumambad sa kanila ang nakahandusay at duguang katawan ni Myka na may mga tama ng saksak sa dibdib kaya’t kaagad silang tumawag ng tricycle upang isugod sa pagamutan ang biktima.

Ang tricycle driver na si Michael Mendoza at ang pinsan niyang si Mamerto Mendoza ang kaagad na dumating sa lugar kaya’t pinagtulungan ng mga tanod na isakay ang halos wala ng buhay na biktima bago mabilis na isinugod sa Pasay City General Hospital.

Sumakay naman ng motorsiklong gamit ng barangay bilang patrol vehicle ang mga tanod na sina Mari at La Torre upang sumunod sa naturang pagamutan at inabutan pa nila na pilit na isinasalba ng mga doktor si Myka subalit ilang sandali lang ay idineklarang patay na ang biktima pagdating pa lamang sa naturang ospital.

Bago pa man maitawag ng naka-duty na security guard sa pulisya ang pagkamatay sa pamamagitan ng karahasan ni Myka matapos isugod sa naturang pagamutan na isa sa panuntunang ipinaiiral ng lahat ng pampubliko at pribadong ospital, naipabatid na ng mga opisyal ng barangay sa Pasay City Police headquarters ang nangyaring krimen.

Dahil dito, kaagad na inatasan ni Chief Insp. Joey Goforth, ang hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay police sina SPO1 Genomar Geraldino at PO3 Giovanni Arcinue na magtungo sa naturang pagamutan magsagawa ng pagsisiyasat.

Dahil malapit lamang ang headquarters ng pulisya sa naturang pagamutan, inabutan pa nina SPO1 Geraldino at PO3 Arcinue ang mga barangay tanod na sina Fred Mari at Apolinario La Torre, Jr., pati na ang asawa ng kanilang barangay chairman na si Russel Jocson at si Von Moraleja na may-ari ng bahay na pinangyarihan ng krimen.