Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan

323

Aniya, sinabi umano ng dalawang bata na nag-away ang kanilang kuya Kevin (Kristoffer) at ate Jamyka (Myka) at may tama na ng saksak ang biktima kaya’t humingi sa kanila ng ayuda si Von Moraleja para samahan siya sa pagpunta sa kanilang bahay.

Sumunod na nagbigay ng kanyang sinumpaang salaysay kay PO3 Geraldino noong Pebrero 2, 2011 dakong 12:20 ng madaling-araw si Mari at binanggit niya na kasama siyang nagresponde nang humingi ng ayuda ang kanilang Ex-O na si Von Moraleja matapos na sunduin ng dalawa niyang anak sa barangay hall habang may ginaganap silang pagpupulong.

Pinatunayan din ni Mari ang sinabi ng kasamahang si La Torre na nang dumating ang dalawang anak ng kanilang Ex-O na sina Kristina Von at Jelo Von, sinabi ng mga ito sa kanilang ama na nag-aaway ang kanilang kapatid at ang kasintahan at may tama na ng saksak ang biktima.

Muling nagbigay ng karagdagang sinumpaang salaysay si Mari kinabukasan, Pebrero 3 dakong alas-8:40 ng gabi matapos na ipakita sa kanya ang larawan ng magkatabing lalaki at babae na ibinigay naman ng ama ni Myka sa pulisya upang kilalanin ang mga ito.

Sinabi ni Mari na hindi niya kilala ang lalaki bagama’t ang katabi nitong babae ay ang isinugod nilang biktima ng pananaksak sa pagamutan subalit hindi na umabot nang buhay.

Isa pang testigo sa katauhan ng 24-anyos na si Sherwin Ray Fontanilla, kapitbahay ng pamilya Monraleja, ang kusang-loob na nagbigay ng kanyang salaysay sa pulisya kaugnay sa nangyaring krimen.

Sa kanyang pahayag kay PO2 Giovanni Arcinue, nasa bintana aniya siya sa ikalawang palapag ng kanilang bahay nang makita niya na isinasakay na sa tricycle ng mga barangay tanod ang babaeng duguan ang damit, nakaitim na palda, namumutla na ang mukha at nakatirik ang mata.