Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan Part 13

322

Tanging ang affidavit lamang ni Von Moraleja at ang pinagsamang salaysay ng tatlo niyang kasamahan sa barangay, kabilang ang kanilang kabesang si Marilyn Jocson ang naisumite ng depensa sa piskalya, bukod pa sa hindi na mahagilap ng pulisya si Kristoffer na nagtago na matapos ang nangyaring krimen.

Binigyang pansin din ng tagausig ang resulta ng autopsy examination na isinagawa ni Dr. Voltaire Nulud kung saan lumabas na nagtamo ng 12 tama ng saksak sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan na isang palatandaan na patraydor ang ginawang pagpatay na isa sa matibay na elemento sa kasong murder.

Kapansin-pansin din sa resulta ng awtopsiya na nagtamo rin ng mga tama ng saksak sa dalawang kamay ang dalaga na palatandaang tinangka niya pang sanggahin ang mga ulos ng patalim upang depensahan ang sarili.

Kinatigan naman nina Senior Assistant City Prosecutor Dolores Rillera at City Prosecutor Elmer Mitra ang rekomendasyon ni Assistant City Prosecutor Janette Herras-Baggas na isampa na sa hukuman ang kasong murder laban kay Kristoffer.

Matapos isampa ng mga tagausig sa hukuman ang kaso, isinagawa ang pag-raffle at napunta ang usapin sa sala ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Judge Tingaraan U Guiling ng Branch 109.

Matapos ang masusing pag-aaral ng hukuman sa kaso, naglabas ng warrant of arrest si Judge Guiling noong Pebrero 9, 2012 na nag-aatas sa sinumang opisyal na tagapagpatupad ng batas na dakpin ang pangunahing akusado sa kaso na si Kristoffer Von Moraleja na nahaharap sa kasong murder na naging dahilan upang maglunsad na ng malawakang pag-TUGIS ang pulisya upang dakpin ang akusado.

Gayunman, sa kabila ng puspusang pag-TUGIS ng kapulisan laban kay Kristoffer, bigo ang mga awtoridad na mahagilap siya sa iba’t ibang lugar na posible niyang pagtaguan na lalong nagdulot ng pagdurusa sa mga magulang at kaanak ni Myka na uhaw na sa pagkakaloob ng hustisya sa karumal-dumal na sinapit niyang kamatayan.

Dahil dito, gumawa na rin ng paraan ang pamilya at mga kaibigan ni Myka upang makatulong sa pulisya sa pag-TUGIS kay Kristoffer sa pamamagitan ng paglalagay sa social networking website na Facebook ng ‘Justice for Myka’ na nananawagan sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng akusadong si Kristoffer.