Abante Tonite Interactive

Pagmamahalang nagwakas sa malagim na kamatayan Part 15

240

Dakong alas-8 ng umaga noong Enero 6, 2020 nang makatanggap ng tawag si Pasay City Police Chief P/Col. Bernard Yang mula kay Nagcarlan Municipal Poice Station Officer-in-Charge P/Capt. Elvin John Tio kaugnay sa ginagawang pag-TUGIS kay Kristoffer.

Ipinabatid ni Capt. Tio kay Col. Yang ang pagbibigay ng impormasyon ng isang Jake Carillo sa kanila kung saan makikita si Kristoffer kaya’t inatasan kaagad ng opisyal si P/Lt. Allan Valdez, ang hepe ng Statin Investigation and Detective Branch (SIDMB) na bumuo ng isang team, kasama ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na magtutungo sa Nagcarlan, Laguna matapos maberipika na nasa naturang lugar nga ang akusado.

Bukod kina Lt. Valdez at P/EMSgt. Edgar Bolivar, hepe ng WSS, kasama rin sa team na nagtungo sa Nagcarlan sina P/EMSgt. Joselito Baluitis, CMSgt. Joel Landicho, SMSgt. Giovanni Arcinue, SMSgt. Edwin Hamor, SMSgt. Enrico Desalisa at PCpl. Noe Liton, Jr na magsisilbi ng arrest warrant sa akusado.
Katuwang ng Team nina Lt. Valdez sa isasagawang operasyon si Capt. Tio, ang OIC ng Nagcarlan Municipal Police Station, kasama sina EMSgt. Victor Dimasapit, MSgt, Benedict Mercado, MSgt. Bienvenido Burgos, Jr., SSgt. Chafil Albing at ang impormanteng si Carillo.

Dakong alas-11 ng gabi nang lumusob ang grupo ng pinagsanib na puwersa ng Pasay City Police at Nagcarlan Police sa pampublikong Kampo Santo ng Barangay Alibungbungan sa Nagcarlan, Laguna at doon nagwakas ang halos siyam na taong pagtatago sa batas ni Kristoffer Von Moraleja na pangunahing akusado sa pagpaslang sa kanyang kasintahang si Myka.

Nang makarating naman sa kaalaman ng mga magulang ng napaslang ang pagkakadakip kay Kristoffer, mistulang nabunutan sila ng tinik sa dibdib lalu na’t hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling buhay sa kanilang alaala ang pinakamamahal na anak.

Nang dalhin ng mga tauhan ng pulisya sa headquarters ng Pasay Police si Kristoffer, tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa mga miyembro ng media maliban sa patuloy na panggigiit na wala siyang kinalaman sa pagpaslang sa kasintahan.

Sinabi naman ni Lt. Valdez sa TUGIS na bagama’t walang lumutang na testigo na direktang nakakita kay Kristoffer na siyang pumaslang kay Myka, kumpiyansa siya na mapapatawan ng kaukulang parusa ang akusado dahil matibay ang mga isinumite nilang ebidensiya at testimonya ng mga saksi.

Bukod pa aniya ito sa ginawang pagtatago ng mahabang panahon sa batas ni Kristoffer sa halip na harapin ang kasong isinampa laban sa kanya.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.