Abante Tonite Interactive

Pagnanakaw nabuking sa CCTV

216

Buking ang pangungulimbat ng dalawang kawatan matapos pasukin ang inuupahang bahay ng dalawang guro habang nagdiriwang ng Valentine’s Day sa paaralan kamakalawa sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Kinilala ni S/Supt. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong Police ang suspek na sina Vadehue­za y Argales, 24, at Abel Aniceto y Balimbingan, 25, kapwa taga-Mandaluyong City at nahaharap sa kasong theft.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente bandang alas-7:06 Huwebes nang umaga habang nasa loob ng paaralan ang dalawang gurong biktima na sina Lurita Sabulao y Esquierdo, 29, at Theresa Karla Abucot y Miralles, 28, nang makatanggap ng chat message mula sa kanilang kapitbahay at sinabing nakabukas umano ang pinto ng inuupahang bahay sa Block 19B Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Siniguro naman ng biktima na sarado ang pintuan nang sila ay umalis bandang alas-5:45 nang madaling-araw kaya agad na umuwi ng bahay ang dalawang guro at doon na tumambad sa kanila ang nakabukas na pinto at kalat-kalat na mga gamit kung saan nawawala na ang isang acer laptop na nagkakahalaga ng P18,000, laptop charger, back pack na nagkakahalaga ng P1,400 at P8,000 cash.

Nagtungo ang dalawang guro sa barangay upang i-report ang pagnanakaw at nang siyasatin ang nakakabit na CCTV monitor ay nakita at nakilala ang mga suspek.

Agad na inaresto ang papatakas na sanang mga suspek. Nabawi ang mga nawawalang gamit suba­lit hindi na nakuha pa ang pera.