Abante Tonite Interactive

Pagong na aktres ‘di na pasaway

903

NAGBABAGO ang tao sa pagdaraan ng panahon. At lalong nagbabago ang tao kapag nagkakaedad na. Nakikipagkilala na siya sa propesyonalismo at reyalisasyon na sayang ang panahon at mga oportunidad.

Sa isang umpukan ay naging sentrong paksa ang isang pamosong female personality na palaging nagpapasakit ng ulo nu’n ng kanyang direktor at prodyuser.

Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Naku, halos duguin sa kanya nu’n ang producer niya dahil sa sobrang unprofessionalism niya! Saan ka naman makakakita ng artistang alas nuwebe ang calltime, pero dumarating nang makapananghali na?

“Hahabol sila sa day effect, pero padilim na, e, wala pa rin siya sa location! Tinatawagan siya ng production staff, pero patay ang phone niya!

“Pati ang PA niya, e, patay rin ang telepono! Talagang malaking problema siya nu’n ng r niya, mura na rin nang mura ang direktor, kasi nga, e, walang makunang eksena dahil wala pa siya!

“‘Yun ang reason kung bakit tumamlay ang career niya! Wala nang kumukuha sa kanya dahil siya ang cause of delay!” tawa nang tawang kuwento ng unang source.

Minsan ay may promo ang buong cast ng pelikulang pinagbibidahan niya. Punumpuno ang mall kung saan gagawin ang promo. Pero panipis na nang panipis ang mga utaw dahil ilang oras na ang nakalilipas ay wala pa rin ang bidang aktres sa movie.

Kuwento ng source, “Ang ending, natutulog na sa backstage ang mga kapwa niya artista, iilan na lang ang natira sa audience, kasi nga, e, malapit nang magsara ang mall nu’ng dumating siya! Imagine, alas kuwatro pa lang, e, nandu’n na ang mga utaw!

“Grabe talaga ang female personality na ‘yun! Napakakupad niyang kumilos, alam niya namang may trabaho siya, pero ayaw pa rin niyang gumalaw!” tawa pa nang tawang kuwento ng miron.

Pero nagbago na ang female personality. Professional na siya. Mas nauuna pa nga siyang dumating sa set sa generator. Hindi na siya nagpapahintay ng kanyang mga kasamahan ngayon.

“Ay, on time na siya palagi. May mga pagkakataon ngang siya ang kailangang maghintay dahil sobrang aga niya sa set. Alam na niya ngayon na mahalaga ang oras, hindi na siya puwedeng magdahilan ngayon ng kung anu-ano!

“Ay talagang kailangan niyang maging professional dahil ang palagi niyang kaeksena, e, isang napakataray na female personality na babakbakan siya talaga kapag nag-inarte siya sa oras!

“Nagbago na siya talaga, hindi na siya pagona!” pagtatapos ng aming impormante.

Alam na this, Japs Gersin, na numero unong tagahanga ng bumibida sa kuwentong ito.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Kris stress sa sakit ni Noynoy

HARINAWANG maging maayos na sana ang kalusugan ni Kris Aquino. Maging sagot na sana ang lahat ng mga gamot na iniinom niya ngayon para tuluyang mawala na ang kanyang dinaramdam.

Sa isang pakikipagkuwentuhan namin sa mga kaibigan ay naging paksa namin si Kris. Nagkakaisa ang lahat sa opinyon na iba-iba lang talaga ang problema natin.

May mga matinding problemado ngayon dahil sa pagputok ng bulkang Taal. Maraming nagdarahop na pamilyang hindi pa alam kung saan sila kukuha ng isasaing.

Pagkatapos ng peste sa manok at baboy ay may corona virus namang ikinatatakot ngayon ang sambayanan.Napakaraming problema ng bayan ni Juan.

Sa kanyang bulsang umaapaw ay kalusugan naman ang piniproblema ni Kris, bahagya nang natunton ng kanyang mga doktor kung saan nanggagaling ang kanyang allergies, pero meron pa rin siyang pinagdadaanang medication.

Dagdag na stress pa para sa kanilang pamilya ang pagkakasakit ng kanyang kuyang dating pangulo. Kung anu-anong fake news ang lumalabas tungkol kay P-Noy.

Oo nga naman. Dumarating ang mga problema sa iba-ibang panahon, iba-ibang hugis at sitwasyon, sa ganu’ng senaryo lang nagkakapantay ang mahirap at ang mayaman.

“Masarap na mahirap din ang maging isang Kris Aquino,” konklusyon ng isang kaibigan namin sa umpukan.

At nag-apiran na lang kaming lahat sa pagsang-ayon.