Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagpapaliban sa BAR halalan tinutulan

0 85

Tinutulan ng mga mamamayan ng Sulu ang pagpapaliban sa Bangsamoro Autonomous Region (BAR) election at pagpapalawig sa posisyon ng mga kasalukuyang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Ayon kay Sulu Governor Abdusakur M. Tan, sinabi na niya ito sa kanyang liham kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 6, 2020 gayundin sa Zoom meeting sa pagitan ng ng suffrage committee ng Kongreso noong Enero 20, 2021.

Sa ilalim ng R.A. 11054 o ng Bangsamoro Organic Law, isasabay sa pambansang halalan sa Mayo 2022 ang eleksiyon ng mga opisyal ng BAR na kasalukuyang pinamumunuan ng mga itinalaga ng Pangulo.

Limang panukalang batas na rin ang naihain sa Kamara para sa pagpapaliban ang BAR election at pagpapalawig sa tungkulin ng mga opisyal ng BTA hanggang 2025.

Giiit pa ni Gov. Tan, tinatanggal ng nasabing panukala ang karapatan ng mga mamamayan na pumili ng mga nais nilang maging pinuno.

Inaalis din aniya ng hakbang na ito ang oportunidad ng ibang karapat-dapat na makapaglingkod sa kanilang rehiyon. Naniniwala ang opisyal na ginagamit lang ito ng BTA dahil bigo silang makabuo ng political at legislative infrastructure na magbibigay daan sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan.

Sa anim na prayoridad na batas na itinatakda ng BOL, ang Bangsamoro Administrative Code lang ang kanilang napagtibay mula nang buuin ang BTA noong 2019.

Lima pa aniya ang nakahain, kabilang ang BAR Election Code ang dapat na pagtibayin ng BTA at sapat na ang 18 buwan kung nais nilang lumago ang kabuhayan sa Rehiyon.

Diin ni Gov. Tan, nagdulot ng pagkalito at mabagal na paghahatid ng pangunahing serbisyo tulad ng edukasyon ang kapabayaan ng BTA na isaayos ang bureakrasya.

Binanggit ng gobernador ang naging karanasan sa kanyang lalawigan kung saan 64 empleyado lang ang muling naitalaga mula sa halos 600 nilang kawani sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Idinagdag ni Tan na hindi rin ramdam ng mga taga-Sulu ang presensiya ng BAR dahil kahit isa rito ay walang bumisita sa kanilang lalawigan. “Kung si Pangulong Duterte ay nakadalaw sa amin kahit pandemya, eh bakit hindi nila magawa yun? ani Gov. Tan.

Inireklamo rin niya ang hindi pantay na pamamahagi ng pondo ng BAR dahil sa P65 bilyong pondo ng BOL na napasakamay na ng BTA, nakatanggap lang ng P5 milyon ang Sulu para sa kanilang provincial government at tig P1 milyon sa bawa’t munisipalidad sa kabila ng krisis dulot ng pandemya.

Dahil dito, hiniling ni Tan sa Kongreso at sa BTA na magdaos ng harapang konsultasyon sa mga tao at mga lokal na opisyal bago tugunan ang nakahaing panukalang batas. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.