Abante Tonite Interactive

Pagpapawalang-bisa ng kasal

345

Dear Atty. Claire,

Magandang araw po Attorney. Itatanong ko lang po ‘yung sa nullity of marriage tungkol sa grounds about solemni­zing officer.

Kasal po kami sa mayor at ngayon ay hiwalay na. Mahigit pitong taon na po kaming kasal. Noong kinasal po kami, wala ‘yung mayor, nagpirmahan lang po kami at walang seremonyas na nangyari. Pagkapirma ay uwian na.

Puwede pa po ba mag-file ng nullity of marriage base sa sitwasyong ito?
Salamat po at more power.

John

Mr. John,

Kung pitong taon na kayong kasal ay luma­labas na sakop kayo ng Family Code of the Philippines at ng Local Government Code of 1991 kaya’t ang ma­yor ay may kapangya­rihan ng mag-solemnize ng kasal.

Noong panahon na ang umiiral ay ang New Civil Code ay mayroon ng kapangyarihan ang mayor na magkasal ngunit ito ay binawi nang pinatupad ang Family Code noong Agosto 1988. Ngunit nang ipasa at ipatupad ang Local Government Code ay muling naibalik ang kapangyarihan ng mayor na magkasal.

Sa sitwasyon ninyo, kung hindi ang ma­yor ang nagkasal sa inyo at walang seremonyas ng kasal na naganap ay ground ito para maipawalang-bisa mo ang kasal ninyo ngunit dapat mong mapatunayan ito.

Kung ang nakapirma kasi sa marriage certificate ay ang mayor, mahihirapan kang patunayan na hindi nga siya ang nagkasal sa inyo maliban lang kung may pruweba ka na nasa ibang bansa siya na imposible para kay mayor na mag-solemnize ng marriage ninyo.

Tandaan mo rin na ang kasal ay masasabing valid kahit walang kapangyarihan ang nagkasal o nag-solemnize ng marriage kung pareho o ang isa na ikakasal ay naniniwalang may kapangyarihan at authority na magkasal ang nag-solemnize ng marriage.

Ayon sa Article 35 mg Family Code of the Philippines:

Art. 35. The follo­wing marriages shall be void from the beginning:

(1) xxxx
(2) Those solemnized by any person not legally authorized to perform marriages unless such marriages were contracted with either or both parties believing in good faith that the solemnizing officer had the legal authority to do so;

Kung pareho kayo na alam na hindi mayor ang nagkasal at ang taong humarap sa inyo ay walang kapangyarihan na magkasal ay maituturing na hindi valid ang kasal ninyo. Patunayan lamang ng maa­yos sa korte ang ebidensiya lalo na tungkol sa walang seremonyas dahil sa nananaig sa atin ang presumption of re­gularity in the performance of official functions kaysa sa isang testimonya na walang patunay.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624/8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.