Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagpasok ng BER months kasabay ng pagbabalik ng maraming modus

0 170

BER months na, ito ang yugto ng buong isang taon na pinakahihintay ng ating mga kababayan noong wala pa tayo sa estado ng pakikipagbuno sa pandemyang ito na hindi pa matiyak kung kailan magtatapos.

Sa unang araw nang pagpasok ng buwan ng Septyembre ay tila normal naman ang lahat sa unang tingin dahil sa pagbukas pa lamang ng radyo at telebisyon ay puro Christmas song na agad ang maririnig na inaasahang magiging regular na hanggang sa araw ng Pasko.

Kilala kasi ang Pinas na may pinakamahabang selebrasyon ng Kapaskuhan sa buong mundo na lalong nagpapadagdag ng pananabik sa ating mga kababayan dahil sa kabi-kabilang selebrasyon.

Ito rin ang pinakahihintay na araw ng mga negosyante na siyang pasimuno sa napakahabang selebrasyon ng Kapaskuhan dahil sa tiyak na ang paglakas ng kalakalan partikular ang mga pamilihan.

Simula na nang pagdagsa ng mga panindang galing sa China na matagal nang nakaimbak sa mga bodega at ngayon ay nagsisimula nang dumami sa mga bangketa ng Divisoria, Baclaran at iba pang pamilihan.

Dahil dito ay marami sa ating mga kababayan ang nagsisimula na ring mag-ikot sa mga pamilihan upang tumingin ng kani-kanilang nais bilhin sa oras na ibigay na ang kanilang Christmas bonus.

At ang senaryong ito ay ang dati nating nasasaksihan sa tuwing sasapit ang ‘ber months’ na tila mangyayari pa rin ngunit inaasahang magkakaroon ng malaking pagbabago dahil sa pandemyang ating nararansan.

Kalahating taon na tayong nasa ilalim ng community quarantine at marami sa ating mga kababayan ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin lumalabas ng bahay dahil sa takot na mahawa sa COVID-19.

Napakarami rin ng nawalan ng trabaho sa kasalukuyan at hindi malaman kung saan kukuha ng kanilang kakainin kasabay ng pagdami ng tinatamaan ng depresyon at mental disorder.

Tulad rin ng ibang naghahanda sa panahong ito ay naghahanda rin ang mga kababayan nating masasama ang loob na sumasalakay sa tuwing panahon ng Kapaskuhan.

Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP) tumataas ang krimen tulad ng snatching, robbery, holdup at ibang kahalintulad na kaso sa tuwing papalapit ang araw ng pasko at pagbubukas ng eskuwela.

Malaking pressure din para sa mga masasamang loob ang madalas nilang naririnig ang mga Christmas song na kahit sa mga shopping center ay sinimulan na ring patugtugin.

Kaya bukod sa Kapaskuhan ay panahon din ito ng dobleng pag-iingat dahil mas dumarami ang mga masasamang loob na umaatake gamit ang iba’t-ibang modus operandi.

Wala namang bagong istilo nang panggagantso at pagnanakaw dahil napanood na lahat ‘yan sa telebisyon ngunit palaging dumadagdag ang tanga at nakalilimot na mag-ingat kaya may mga nabibiktima pa rin.

Ngayon hindi ko naman minamasama ang kasalukuyang sitwasyon, pero dahil sa dami ng nawalan ng kabuhayan ay hindi malayo na tumaas ang kaso ng pananamantala dahil sa sobrang pangangailangan.

Marami ang nananalangin na sana ay matapos na ang pandemyang ito ngunit kung hindi magbabago ang patuloy na pagtaas ng bilang ng nahahawa sa COVID-19 ay posibleng naka-lockdown pa rin tayo sa mismong araw ng Pasko.

Pero kung luluwag na ang sitwasyon ay asahan nating kaakibat ng Kapaskuhang ito ang labis na pag-iingat dahil sa tiyak na sasalakay na ang mga masasamang loob na magdiriwang din sa araw ng Pasko.

Leave A Reply

Your email address will not be published.