Abante Tonite Interactive

Pagpasok sa kumbento ni Shaina naudlot

862

Ilang taon na ring loveless si Shaina Magdayao dahil ang huling alam pa ng publiko na naging boyfriend niya ay si John Lloyd Cruz pa. They broke up in 2012 and till now ay wala pa ring bagong BF na ipinakikilala ang aktres sa madla although there were talks na nagkaroon sila ng ‘something’ ni Piolo Pascual.

Sa presscon ng bagong weekly TV series na “The Haunted” ng ABS-CBN ay natanong kay Shaina kung talaga bang tuluyan na niyang isinara ang puso niya para sa bagong pag-ibig at aniya, siyempre ay hindi naman daw.

“Never ko tinalikuran ‘yung fact na puwede pa ‘ko ulit umibig,” she said. “Pinahinga ko lang ang puso ko. And at the same time, maraming trabaho na pumasok.

“But other than that, hindi ko naman siya tinataguan, hindi ko rin siya hinihindian. Hindi lang siya dumadating pa. And kung dumating naman, sasabihin ko naman.”

‘Yung balita before na gusto niyang magmadre ay hindi raw dahil sa gusto niyang talikuran ang love or marriage.

“It’s just that I had a calling of service and I still do. And na-associate ko lang ‘yun sa pagma-madre – ‘yung calling of service, which is being selfless. Kaya akala ko, pagma-madre.

“But now that I have a foundation, ‘yun ‘yung nagiging sagot sa akin na hindi ko naman kailangang pumasok ng kumbento for me to be able to help people.

“And at the same time, one of my dear bosses told me na ‘Shaina, hindi lang pagma-madre ang service. I mean, you can also serve in this business as an actress.’

“So, ‘yun po, niyakap ko ‘yun nang buong-buo and I think, the years na pabalik-balik, na pumupunta ako sa Italy and thinking na baka nga magmamadre ako, I think, that experience kasi, utang na loob ko ‘yun.

“I mean, I am who I am and my integrity is like this and the way I see life is like this is because of that experience.

“But it was never because I was closing my doors pagdating sa pagmamahal and sa pamilya. So ‘yun. Medyo mabagal lang siguro, na-traffic. Binagyo siguro, kaya medyo matagal pa ang pagpasok niya (sabay-tawa), but I also wanna be very sure rin kasi na kapagka siya na, I mean, siya na talaga and sasabihin ko sa inyong lahat,” pahayag pa ni Shaina.

Happy naman ang aktres ngayong Pasko kahit walang love life dahil sa pagpasok ng bagong trabaho, ang horror drama na “The Haunted” na magsisimula na ngayong Sunday, Dec. 8 bilang kapalit ng “Parasite Island”.

Sobrang excited nga ng aktres dahil makakasama na naman niya si Denise Laurel na nakatrabaho niya before sa “The Better Half” at si Jake Cuenca na 2012 pa niya huling nakatrabaho sa “Kung Ako’y Iiwan Mo”.

Ayon kay Shaina ay deciding factor daw niya talaga for accepting this project ay ang kanyang leading man at direktor na si Manny Palo.

Pagrampa ng naka-supporter pinagsisihan ni Jake

Speaking of Jake, hanggang ngayon ay pinagsisisihan pala niya ang huli niyang pagrampa sa Bench Underwear Fashion Show noong 2014. Ito ‘yung The Naked Truth kung saan ay almost nude ang aktor na naka-expose ang butt at tanging supporter lang ang suot para matakpan ang kanyang harapan.

Natanong kasi sa presscon ng “The Haunted” ang tatlong bida kung mayroon ba silang past experience that still haunts them.

“I try to live a life with no regrets, pero kung mayroon man akong pinagsisisihan na puwede kong baguhin nu’ng dati, siguro, ‘yung panahon na may ginawa akong fashion show na malaking-malaki na naka-supporter lang at mataba ako nun’g time na ‘yun.

“Siguro if I had the chance, sana binabaan ko nang kapiraso ‘yung confidence ko at sinabi ko na ‘sana, nagsuot ako ng konting damit nun’g fashion show na ‘yun,’ pero… ‘yun. Maybe that’s it,” sagot ni Jake.

Natatandaan nga naming nalait-lait si Jake ng mga netizen noon dahil nga sobrang daring niya and medyo mataba pa siya that time.

After that ay hindi na muling rumampa pa si Jake sa Bench Fashion Show and even up to now ay ‘yun pa rin ang kanyang desisyon.

“For me, lahat ng ginawa ko do’n, binigay ko na rin naman lahat. Ano pa puwede kong ibigay? Parang ginawa ko na rin lahat sa fashion show na ‘yun. So, feeling ko, okay na ‘yun. Bigay ko na sa mga bago ‘yun,” he said.