Abante Tonite Interactive

Pagpatay ni mister kay misis buking ng pulis-Malabon

Part 4

By
678

Napansin naman ng mga imbestigador na magulong-magulo ang mga gamit ng mag-asawa na posibleng palantandaan na naghalughog sa mga bagay na mananakaw ang mga salarin bago tumakas bagama’t kompleto naman at maayos ang pagkakalagay ng kanilang mga appliance tulad ng telebisyon, bentilador at mga pigurin.

Habang isinasagawa ng SOCO ang pag-proseso sa lugar na pinangyarihan ng krimen, nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang mga tauhan ni Insp. Paul Dennis Javier, kabilang na ang pangangalap nila ng mga testigo habang nasa isang tabi lamang at mistulang hindi mapakali si Edwin, katabi ang kanyang kaanak na si Edna.

Nang tanungin naman nina PO1 Marfil at PO1 Olisa ang asawa ng napaslang na si Anali, sinabi nito na natutulog siya, katabi ang asawa nang pasukin sila ng mga magnanakaw noong gabi nang Marso 25, 2017.

Nagising na lamang aniya siya na patay na ang kanyang asawa at duguan ang ulo at katawan nito habang magulong-magulo ang loob ng kanilang bahay kaya’t mabilis siyang tumakbo palabas ng bahay upang humingi ng saklolo sa mga kapitbahay.

Nakakuha naman ng testigo ang mga imbestigador sa katauhan nina Frank Otella, 59, at Bienvenido Jumao-as, 71, na kapwa kapitbahay ng mag-asawang Edwin at Anali na parehong nagpahayag ng kahandaang magbigay ng sinumpaang salaysay kaugnay sa nangyaring krimen.

Sa naging pahayag ni Otella kay SPO1 Alexander Dela Cruz, sa harap ni PO2 Jose Romeo Germinal, sinabi niya na dakong alas-siete nang umaga, habang siya ay nasa tapat ng kanilang bahay sa Blk 14 Lo 15 Karisma Village, Brgy. Panghulo at nagwe-welding, dumaan sa kanyang harapan ang biktimang si Anali Chavenia na may bitbit pang isang plastic bag.

Nakita pa niya si Anali nang pumasok na sa kanilang bahay kaya’t sigurado siyang buhay ang ginang, taliwas sa sinasabi ng kanyang asawang si Edwin na pinasok sila ng magnanakaw nang gabi at pinatay ang kanyang maybahay.

Dakong alas-nuwebe aniya nang umaga nang marinig niya si Edwin na nagtatatakbong lumabas ng kanilang bahay at humihingi ng tulong dahil pinasok daw sila ng mga magnanakaw kagabi at pinatay ang kanyang asawa.

Sa pahayag naman ng testigong si Bienvenido Jumao-as kay PO2 Roldan Angeles sa harap ni PO2 Richard Calaycay, sinabi niya na naglalakad siya tulad ng regular na ginagawa niya bilang ehersisyo sa umaga nang mapadaan siya sa bahay ng mag-asawang Edwin at Anali dakong alas-7:30 nang umaga at nakita pa niya ang ginang habang nagwawalis ng dumi sa kanilang bakuran.

Dahil may sikat ng araw sa tapat ng bahay ng mag-asawa, sinabi ng 71-anyos na si Jumao-as na dito niya ipinasiyang huminto upang magpa-araw at mag-ehersisyo at narinig pa niya ang malakas na pagkakaroon ng pagtatalo ng mag-asawa.

Dahil malakas ang boses ni Anali, sinabi ni Jumao-as na narinig niya ang ginang na pinagsasabihan ang asawa na hingi ng hingi ng pera at ninanakawan pa siya para lamang ipatalo sa ­saklaan.

Lumalabas sa naging pag-aaway ng mag-asawa na ang pagkahumaling sa sugal na sakla ang dahilan ng kanilang pag-aaway at nagagawa pang pagnakawan ng lalaki ng salapi ang kanyang may-bahay para lamang tustusan ang pagkahumaling sa sugal.