Abante Tonite Interactive

Pagpatay sa 5-katao, nalutas ng pulisya sa Pasay

By
578

Tulad ng mga naunang tatlong kaso ng pagpatay, may nakuha ring basyo ng kalibre .45 baril sa tabi ng bangkay ni Arturo Custodio, Jr. alyas “Jongjong”, 35-taong gulang na bukod sa tama ng bala sa ulo at katawan ay may nakalagay ding karatula na isa siyang drug pusher na hindi dapat tularan.

Si Custodio ay pinaslang sa loob pa mismo ng kanyang bahay sa 58 Cinco De Junio St., Sun Valley na ayon sa ilang testigo ay kagagawan din ng mga riding-in-tandem o dalawang armadong lalaking sakay ng isang motorsiklong walang plaka.

Pang-apat siya sa pinaslang ng riding-in-tandem sa loob lamang ng mahigit dalawang linggo na tulad ng tatlong nauna ay nilagyan din ng karatula na may nakasulat na sangkot siya sa pagbebenta ng iligal na droga.

Ang huling dalawang bangkay nina Tizon at Custodio ay natagpuan sa lugar na parehong sakop ng Pasay Police Community Precinct (PCP) 9 kaya’t lalo pa nilang pinaigting ang pagbabantay sa nasasakupang lugar sa pag-asang madakip ang mga salarin.

Halos buong araw at gabing katuwang ng mga tauhan ng PCP-9 ang iba pang unit ng Pasay police sa pag-TUGIS sa mga salarin lalo pa’t hindi nawawala ang hinala ng publiko na baka may katotohanan ang kumakalat na balita na mga pulis din ang nasa likod ng pamamaslang sa mga sangkot sa iligal na droga bilang tugon sa kampanya ng pambansang pamahalaan.

Kahit anong paliwanag nina SPD director Chief Supt. Tomas Apolinario at Pasay police chief Senior Supt. Nolasco Bathan na hindi mga pulis ang nasa likod ng pamamaslang, hindi mamatay-matay ang hinala ng publiko lalo’t wala pang nahuhuling mga kriminal na siyang may kagagawan ng nagaganap na pag-salvage sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.

Bagama’t nakakalap na rin ang ilang detalye ang kapulisan hinggil sa posibleng onsehan sa iligal na droga ang motibo sa pagpatay sa mga sinasabing drug personalities, hindi naman ito mapatunayan ng lubusan dahil wala pang nahuhuling kriminal.

Lumilitaw tuloy na haka-haka lamang ang nakukuhang impormasyon ng mga imbestigador bagama’t hindi naman tinukoy ng kapulisan na ito nga ang talagang motibo sa nagaganap na pamamaslang.

Noong Agosto 8, 2016, mistula namang hinahamon talaga ng mga kriminal ang kakayahan ng kapulisan na malutas ang mga kaso ng pagpatay dahil isa pang bangkay ang nadiskubre ng kapulisan sa loob ng isang barong-barong sa Barangay 198, Zone 20 na sakop din ng PCP-9

Ito na ang ikalimang biktima ng summary exe­cution na naganap sa naturang lungsod sa loob lamang ng halos isang buwan na tulad ng naunang apat na bangkay ay may karatula rin na sangkot siya sa iligal na droga.

May ilang basyo rin ng bala ng kalibre .45 baril na ginamit ng mga salarin sa pamamaslang sa biktimang nakilala sa pangalang Crispin Torres, 45, walang trabaho, na pinatay ng mga hinihinalang riding-in-tandem sa loob mismo ng kanyang tinutuluyang barong-barong sa kanto ng NAIA Road at Mercury St., Brgy. 198.

Ang lahat ng mga basyo ng balang nakalap ng mga elemento ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa limang biktima ng summary ­execution ay isinumite sa Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory upang isailalim sa ballistic ­examination.(sundan bukas)

Batid ng kapulisan na hindi rito magwawakas ang ginagawang pamamaslang ng mga riding-in-tandem criminals lalu pa’t nalusutan muli nila ang kapulisan nang paslangin si Torres sa loob ng kanyang barong-barong sa kabila ng isinasagawang pag-TUGIS sa kanila ng iba’t-ibang unit ng Pasay city police.

Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay may puwang ang buwenas sa mga salarin para isakatuparan ang patuloy na pagpaslang sa mga hinihinalang sangkot sa illegal na droga sa lungsod na ang pinagbibintangan ay mga kagawad ng kapulisan dahil noong Agosto 12, alas-12:45 ng hatinggabi natapos ang kanilang mga kabuktutan.

Nagsasagawa noon ng checkpoint ang mga tauhan ng Pasay Police Community Precinct (PCP) 6 sa kahabaan ng BAC 1-11 Don Carlos Village, Barangay 190 Zone 20 nang mamataan ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na kapuwa nakasuot ng bonnet.

Sinenyasan ng mga pulis ang dalawang lalaki na huminto dahil sa hindi pagsusuot ng helmet subalit sa halip na sumunod ay humarurot palayo ang dalawa kaya’t lalung lumaki ang hinala ng mga otoridad na posibleng sangkot ang mga ito sa illegal na gawain.

Nagsagawa kaagad ng pag-TUGIS ang kapulisan sa dalawang nakamotorsiklong lalaki at nang malapit na silang ma-korner, biglang bumunot ng baril ang dalawa at pinaputukan ang mga humahabol na pulis.

Dito na gumanti ng putok ang mga tauhan ng PCP-9, kasama ang iba pang unit ng kapulisan na nagresulta sa pagkakapaslang sa dalawang lalaking kapuwa nakasuot ng bonnet na itim. Nakuha sa kanila ang dalawang kalibre .45 baril na may mga bala pa sa magazine, isang plastic sachet na naglalaman ng shabu, larawan ng isang babae at karton na may nakasulat na “Tulak ako wag tularan”

Natuklasan din sa kalaunan ng pulisya na nakaw ang ginamit na motorsiklo ng mga napaslang matapos lumutang ang may-ari nito at ipinakita sa kapulisan kanyang certificate of registration, pati na ang police report na nagpapatunay na tinangay ng mga napaslang na suspek ang kanyang motorsiklo.

Sa masusing pagsisiyasat ng mga tauhan ng SIDMB ng Pasay police, nakilala kalaunan ang nakuhang larawan ng babae na isa sa mga sumuko sa pulisya sa ilalim ng isinasagawang “Oplan-Tokhang”.

May hinala ang pulisya na nakahanay na ang babae sa papaslangin ng mga suspek lalu pa’t handa na rin ang karatulang ilalagay sa kanyang bangkay.

Nang matapos ang pagsisiyasat ng kapulisan sa katauhan ng dalawang napaslang, isinapubliko na ni Pasay police chief Senior Supt. Nolasco Bathan noong Oktubre 21, 2016 ang resulta ng imbestigasyon kung saan nakilala ang isa sa dalawa na si Edwin Ison, 35 at residente ng 2429 P. Villanuea St. Pasay City habang nanatiling hindi kilala ang kasama niya na tinatayang nasa edad na 40 hanggang 45 taong gulang at nakasuot ng bonnet, jacket at maong na pantalon.

Natuklasan din ng pulisya na ang kalibre .45 Medallion pistol na may serial number 103017 na nakuha sa hindi nakilalang suspek ang ginamit sa pagpatay kina Genaro Tizon, Arturo Custodio at Crispin Torres batay sa ginawang cross-matching test ng PNP Crime Laboratory sa nakuhang basyo ng bala sa tabi ng mga bangkay.

Ang nakuha namang kalibre .45 Norinco pistol na binura sa pamamagitan ng pagkikil sa serial number ang ginamit ni Edwin Ison sa pagpatay kina Ryan Alfred Esquivel at Reynaldo Baculo na tulad ng tatlo nilang pinaslang ay nilagyan din ng karatula na may nakasulat na tulak umano ang mga biktima.

Sa kanyang ipinadalang ulat kay SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario, sinabi ni Senior Supt. Bathan na kumbinsido sila na ang dalawang napaslang na riding-in-tandem ang may kagagawan ng nangyaring pagpatay sa limang kalalakihan na pinalalabas na sangkot sa illegal na droga.

Pinatunayan din ng Pasay police na taliwas sa umugong na balitang mga miyembro ng kapulisan ang gumagawa ng pagpaslang sa mga sangkot sa illegal na droga, ang pagkakapatay nila sa dalawang riding-in-tandem ang magpapatunay na hindi mga pulis, tulad ng hinala ng publiko, ang gumagawa ng naturang krimen.

Idinugtong pa ni Col Bathan na kinokonsidera nila na sarado na ang kaso ng limang natagpuang biktima ng summary execution sa kanilang lungsod matapos nilang mapaslang ang may kagagawan ng pamamaslang.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran-30