Abante Tonite Interactive

Pagpuhunan sa tao

By
617

Pasukan na next week. Hahataw na naman sa pag-aaral ang kabataang Filipino upang makamit ang pangarap sa buhay.

Kung excited ang karamihan ng mga bata sa kauna-unahang pagtuntong sa paaralan, mas excited ang kanilang mga magulang. Mayroon ding mga bata na kinakabahan sa kauna-unahang klase sa tanang buhay nila pero para sa karunungan at kaalaman, kailangang­ mawalay sila pansa­mantala sa kanilang mga magulang. Kahit anong iyak pa nila sa first day of school, titiisin lang ito ng kanilang tatay at nanay kahit mabigat sa kalooban.

Great equalizer sa buhay at lipunan ang edukasyon. Kung may nakuhang degree ang isang tao, nagkakaroon siya ng mga mapagpipiliang trabaho o oportunidad na magpapaa­ngat ng kanyang pamumuhay at kung magkakaanak siya, siguradong mapag-aaral din niya. Sa national perspective, nakasalalay sa edukasyon, kasanayan, at kakaya­nan ng mamamayan ang pagiging matatag, payapa, at produktibo ng isang bansa.

Dahil sa kahalaga­hang ito ng edukasyon, kahit mahirap ay patuloy na nagsusumikap ang mga magulang na mapa-graduate sa college ang kanilang mga anak. Nakakantiyawan tuloy sila na ‘pa-London-London na lang’ o ‘loan dito, loan doon.’ Ganoon talaga, kailangang magsakripisyo.

Bilang Marikina Se­cond District Representative, para rin tayong magulang sa ating mga nasasakupan. Isa sa mga inu­una natin sa trabaho bilang isang mambabatas ang pamumuhunan para sa pag-unlad ng mga Marikeño bilang tao.

Pagdating sa edukasyon ng kabataang Marikeño, mahigit 700 mga classroom ang ating naipatayo sa siyudad gamit ang pambansang pondo na ating iginiit­ sa mga budget delibe­ration sa Kongreso. Sa mga tunay na nakakikilala sa atin, sasabihin nila na hindi lang ito pagbubuhos ng pera sa istruktura ng pag-unlad kundi higit sa lahat ay isang paraan ng pagpapadama ng pagmamahal sa mga pamilyang Marikeño.

Kung hindi na magiging siksikan sa classroom, mas makapo-focus ang mga estudyante sa pag-aaral, mas marami silang matututunan. Ang gusto natin ay ma­ging single shift na lang sa paaralan. Kung maagang makauuwi ang mga bata, may panahon pa silang maglaro, mag-aral nang todo sa bahay, at makasama ang kanilang mga magulang at kapatid sa oras ng hapunan at pahinga.

Mahal din natin ang mga teacher, siyempre. Bilang tax reform champion, ipinaglaban natin na tumaas ang naiuuwi nilang pera sa pa­milya sa pamamagitan ng pagbago sa income tax. Ang isang teacher­ sa public school, na P20,179/month ang suweldo, ay nagbubuwis dati ng P28,717/year. Sa ginawa nating bagong eskema, libre na siya sa tax at nadagdagan ang kanyang take-home pay ng P2,392/month. Wala na kasing buwis ang sinumang sumusuweldo ng P250,000/year at mayroon pang P82,000 tax exemption para sa 13th month pay at iba pang benepisyo at bonus.

Nitong Lunes, nagbo­luntaryo naman ang ating opisina sa House of Representatives sa Brigada Eskwela 2018 at naka­lulugod na kahit mainit at maaraw ay sumali ang ilang daang Marikeño sa ating inisyatiba na gawing maaliwalas ang mga paaralan sa lungsod. Kapag ganito nang ganito, mapapahuwaw ka na lang talaga.