Abante Tonite Interactive

Pagpupugay sa mga ina sa panahon ng quarantine!

594

Marami sa atin ang hindi makadadalaw sa kanilang mga ina ngayong taon sa pagdiriwang ng Mothers’ Day dahil sa quarantine. Gayuman, hindi mapupukaw ang ala-ala ng pinagkakautangan natin ng buhay, ang ating ina, mommy, nanay, mama na siyang karugtong ng ating pusod.

Matagal nang ipinagdiriwang ang araw ng mga Ina, panahon pa lamang ng mga Griyego ay ginugunita na ang nasabing piyesta. Gayunman, sa makabagong panahon, itinuturo si Gng. Anne Reeves Jarvis bilang pinagmulan ng taunang selebrasyon sa makabagong panahon.

Noong panahon ng Civil War sa Amerika, sinimulan ni Mrs. Jarvis ang pagtipon sa mga kababaihan bilang tulong sa pangangalaga ng mga pamilya, lalo na ang mga apektado ng giyera. Nang pumanaw si Gng. Javis ang kanyang anak na si Anna Marie Jarvis ang nagpatuloy ng adhikain.

Malinaw ang layunin ng pagtitipon ng mga pamilya bilang pagpupugay sa mga sakrispisyo ng ‘Ilaw ng Tahanan’ sa kanilang mga minamahal. Mayo 1908 nang inilunsad ang malawakang pagdiriwang para sa mga ina sa Estados Unidos. Sa pangunguna ni Bb. Javis lumaganap ang tradisyon.

Taong 1914 nang maisabatas ang Mothers’ Day bilang holiday sa US upang kilalanin ang kadakilaan ng lahat ng ina sa bansa. Sa pag-usad ng panahon, unti-unting nakaligtaan ang totoong layon ng nasabing holiday bilang pasasalamat sa malasakit at pagmamahal na natanggap natin sa kanila.

Katulad ng pagdiriwang ng Pasko, unti-unting nakulayan ng materyalismo at komersyalimo ang Mothers’ Day. Nang masaksihan ito ni Bb. Jarvis ninais niya itong ipa-abolish sa Kongreso. Pumanaw si Anna Marie Jarvis, noong 1948, bilang matandang dalaga, dismayado sa kinahinatnan ng nasabing holiday.

Gayunpaman, masaya na rin si Anna Marie na dahil sa kanyang yumaong ina, nabigyang pansin at halaga ang mga ina sa buong mundo. Ngayong lockdown, batiin at pasalamatan natin ang ating sariling ina, saan man sila naroroon. Mag-alay tayo ng panalangin sa babaeng nagtaya ng kanyang buhay para tayo ay mabuhay.

Sa araw na ito, bilang mga Katoliko, alalahanin din natin ang ating Mahal na Ina, na si Maria. Alam natin na marami na tayong atraso sa kanya, at marami rin tayong kasalanan sa ating sariling ina; ngunit hindi mababago ang katotohanan – na matiis man ng anak ang kanyang magulang, hindi kailanman, matitiis ng magulang ang kanyang anak!

Santa Maria, Ina ng Diyos, Masintahing Ina namin, ipanalangin mo kami!

Tonite – Wendys Inhouse Ad