Abante Tonite Interactive

Pagsabog sa Luzon

235

Dear Abante Tonite,
Pabor po ako sa ginawa ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police na isiniwalat sa publiko ang balak ng mga teroristang ISIS na pagpapasabog sa bahagi ng Luzon, lalo na sa mga matataong lugar tulad ng mga simbahan at pamilihan.

Bakit po? Kasi mas magkakaron po ng malasakit at pakialam ang ating mga kababayan na bantayan ang kani-kanilang mga bayan o lugar, na kapag may mga kahina-hinalang mga kilos lalo na’t mga dayuhan o dili kaya mga bagong salta sa kanilang mga lugar, ibig sabihin lamang nito na tunay ng may pakialam sa bayan ang bawat sambayanang Pilipino.

Masakit man aminin ang katotohanan, pero napakarami po sa ating mga Pilipino na mas pinili pang manahimik kaysa sa makipagtulungan sa ating mga awtoridad at isuplong ang dapat, karamihan po kasi ay yaong mga makasarili, takot madamay sa gulo kaya ang sesti mas marami ang napapahamak.

Umaasa po ako na ngayong alam na ng publiko ang masamang balak ng teroristang ISIS mas maging mapagmatyag ang ating mga kababayan lalo na sa mga lalawigan ng Bulacan paakyat sa lalawigan ng Cagayan hanggang Batanes.

Panahon na po ng ating pagkakaisa, huwag po nating hayaan na matulad tayo sa ibang mga bansa na nagtagumpay ang ‘di makatwirang gawain ng mga ISIS na maraming buhay ang kinitil. Hayaan po nating manatili ang kaayusan, katahimikan, pamumuhay ng matiwasay at sama-sama ang bawat pamilya.

Salamat po
Xer Lima