Abante Tonite Interactive

Pagsakay ng pets sa PUV puwede na!

242

Dear Furr­Ever FurrEnds:

Nagkaroon na ba kayo ng pet emergency pero dahil wala kayong sariling sasakyan, hindi kayo nakaabot sa beterinaryo?

O ‘di kaya’y gusto mong iuwi si Doggy sa probinsya pero bawal siyang isakay sa loob ng bus?

May HAYOP balita po ako! Maaari niyo nang isama ang inyong mga alaga sa public utility vehicles (PUV) tulad ng jeep, bus, UV Express at P2P bus service.

Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng mga palatuntunin ukol sa pagsakay ng mga pets sa PUV, salamat sa pakikipag-ugnayan nina Rep. Ronnie Ong at ang ani­mal welfare group na Pawssion Project.

Nag-ugat ito sa isang insidente sa pagpasok ng isang aso sa luggage compartment ng isang Raymond Bus na papuntang Masbate.

Ayon kay Rep. Ong, “Our beloved pets should not be placed in areas of any PUV which may affect or harm the pet’s health. Kung tayo nga itinuturing na nating parang anak natin ang mga alaga natin, tapos pagsakay sa bus, ilalagay sa ilalim katabi ng bagahe? Walang papayag doon siyempre!”

Agree po ako diyan!

Mabuti na lang, pinilit ng may-ari na dapat katabi niya ang aso niya. At sa kalaunan ay pumayag na rin ang management. Pero hindi po dapat umabot sa pakikipag-away at stress ang kaligtasan ng ating mga alaga.

Tinugon ng LTFRB ang isyu na ito sa Memorandum Circular 2020-003 kung saan nila nilinaw na bawal pong ilagay ang mga domestic pets sa luggage compartment ng mga PUV.

Maliban d’yan, ito ang mga iba pang guidelines:

Small to medium pets lang ang maaaring isakay sa PUV. Dapat nasa loob ng carrier ang pet, may suot na diaper at walang masamang amoy. Ang pet carrier ay dapat nasa tabi ng may-ari. At ang magiging pamasahe ng inyong alaga ay katumbas ng pamasahe ng isang tao.

Ito lang po ang pakiusap ko sa mga fur parents – i-respeto natin ang mga ibang pasahero. Halimbawa, kung may pasaherong allergic sa dala mong pusa, lumipat ka na lang sa ibang sasakyan. Priority pa rin ng mga PUV ang serbisyo sa tao.

Umaapela din po ako sa mga PUV ope­rators – huwag niyong ipagkait sa mga furpa­rents na isakay ang kanilang mga minamahal na pets sa inyong sasakyan. Kung naka-carrier naman ang hayop at tinutupad ang mga guidelines ng LTFRB, pagbigyan niyo na.

Kung may respeto at pagmamalasakit lang tayo sa isa’t isa, magiging mas masaya tayong lahat, pati na rin ang ating mga furbabies.
Nagmamahal,
Joyce