Abante Tonite Interactive

Pagsayaw, refrigerator at panghugas ng kamay

493

Dear Dream Catcher:
Nanaginip po ako na pumasok ako sa parang maliit na sala at may isang babae at dalagita na naghanda ng pagkain.

Ang ulam daw ay malunggay na may sabaw. Tapos ay yumakap daw ako sa babae at masaya kaming sumayaw na magkayakap.

Kasunod nito, nagbago ang eksena at nakita kong may refrigerator sa labas.

Binuksan ko ang ref at nakita kong sira ang pinto nito.

Nabaklas daw ang lock at hindi ko maibalik. Nakita kong maraming laman ang ref kahit sira ang pintuan nito.

Nakita ko rin ang sarili ko na naghugas ako ng kamay at parang sa food court ang water dispenser iyong inaapakan. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko.

Carlito

Dear Carlito
Sa iyong panaginip ay maraming simbolismo pero magpokus tayo kung saan ka naging masaya. Nakaramdam ka ng masayang emosyon nang magsayaw kayo ng babae habang magkayakap.

Ang pagsasayaw ay sumisimbolo sa energetic life, sekswalidad, passion at maging pagnanasa o desire.

Ang sayaw ay sumisimbolo rin sa iba’t ibang stages ng buhay dahil ang sayaw ay may ritmo o indayog.

Sa iyong panaginip, naging masaya ka at maaring ito’y dahil kayakap mo ang babae o maaring dahil sa sayaw. Depende ito sa iyong tunay na nais sa buhay. Halimbawang naghahanap ka ng mamahalin, naging masaya ka na meron kang kayakap sa ilang sandali ng iyong panaginip. Kung ikaw naman ay taong narerelaks kapag sumasayaw, maaring ito ang nagpasaya sa iyo sa panaginip mo dahil pansamantala’y narelaks ka sa indayog ng sayaw.

Ang ikalawa ay ang refrigerator na may sirang pinto. Ang refrigerator ay malamig kaya kadalasang indikasyon ito na ikaw ay may maituturing na ‘cold personality.’ Maari rin namang paalala ito ng iyong subconscious na kung may mainit na sitwasyon, kailangan mo munang magpalamig.

Pero dahil hindi naman nagpokus sa lamig ng refrigerator ang panaginip mo, puwedeng wala itong kinalaman sa lamig o init ng iyong personalidad at emosyon.

Sa iyong panaginip, mas nagpokus ka sa bukas na pinto o sirang pinto na hindi sumasara ang ref at nasabi mong sira ang lock nito.

Puwede naman itong ikonek o maging indikasyon na kailangan mong maging mas open o mas bukas sa mga taong nasa paligid mo. Ang bahaging puno ng mga laman ang ref ay maaring mensahe ng iyong subconscious na kung bubuksan mo lamang ang sarili mo sa mga taong nagmamahal sa iyo ay mas marami kang puwedeng i-share sa kanila.

Ang ikatlong simbolismo ay ang paghuhugas mo ng kamay na kadalasang konektado sa mga isyung nakakabagabag sa iyo at sa posibilidad na kailangan mong magbawas ng mga negatibong isyu sa buhay.

DISCLAIMER: Ang Dream Catcher­ ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay.

Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.