Abante Tonite Interactive

Pagsibak sa corrupt na FDA chief pinagbunyi

637

Nagdiwang ang mga netizen sa pagkakasibak kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Nela Charade Puno.

“A sweet revenge,” sabi ng netizen na si Nick Sarte sa pagkakasibak kay Puno.

“It’s divine intervention,” ang sabi naman ng netizen na si Louie Fabellar De Viller.

Para sa iba, hindi sapat ang pagkakatanggal ni Puno sa puwesto.
“Sibak lang? Pakulong nyo yan!” ayon kay Alie Monsie.

Sabi naman ni Ally Espiridion Cruz, pinahihirapan ng FDA ang mga maliliit na kompanya.

“They are making it hard for legitimate startup companies to process the requirements.”

Hindi lang maliliit na mga kompanya ang nagkaproblema sa panahon ni Puno. Kapansin-pansin na mas mahaba ang naging listahan ng mga produkto na pinaiiwas nito sa mga consumer at kasama pati mga produkto ng malalaking kompanya.

Nang tinawagan noong isang taon ng Abante ang ilan sa mga kompanyang ito, sinabi nilang nagtataka sila kung bakit nasa listahan ang kanilang mga produkto ganoong may anim na buwan pa sila para mag-renew ng registration.

Sa kanyang maikling liham kay Puno na may petsang Mayo 15, 2019, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na tinanggal ito sa puwesto dahil na rin sa mahigpit na utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na burahin ang katiwalian sa gobyerno.

Inatasan din ni Medialdea si Puno na i-turn over nito lahat ng hawak niyang “official documents, papers and properties” sa tanggapan ng Undersecretary for Health Regulation ng Department of Health.

Sa FDA Facebook ay nagkomento pa ang ibang netizen at ibinunyag ng isang Edz Ocampo na noong Marso 12, 2018 ay kinikilan diumano siya para sa Certificate of Product Registration.

Samantala, itinalaga bilang officer-in-charge ng FDA si Health Undersecretary Rolando Enrique matapos.

Pansamantalang pangangasiwaan ni Enrique ang binakanteng puwesto ni Puno hangga’t hindi pa nakakakita ang Malacañang ng permanenteng papalit sa sinibak na opisyal para matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng FDA at walang maantalang transaksiyon.

Batay sa maiksing pahayag na inilabas ng Department of Health (DOH), sinusuportahan ng kagawaran ang adhikain ni Pangulong Duterte na malinis sa korapsiyon ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Sinibak si Puno, asawa ni dating Road Board Executive Director Rodolfo ‘Dody’ Puno, dahil sa isyu ng katiwalian subalit hindi nagbigay ng detalye si Presidential Spokesman Salvador Panelo hinggil dito.

Sa ipinalabas namang pahayag ni Puno, sinabi nitong natanggap na niya ang termination paper pero wala siyang alam sa alegasyon ng katiwaliang ibinabato sa kanya.

“I take exception to the mention of so-called ‘corruption allegations’ because I am clueless as to what these are. I have not been charged in any legal proceedings nor I am aware of any official investigations being undertaken in relation to corruption involving me,” ani Puno.

Tiniyak ni Puno na nakahanda siyang harapin ang anumang kaso ng katiwalian na isasampa laban sa kanya.

Iginiit pa nito na aalis siya ng FDA na malinis ang konsensya at malinis ang record.

Nagpasalamat pa rin si Puno kay Pa­ngulong Duterte dahil sa pagkakataong ibi­nigay sa kanya upang makapaglingkod sa mamamayan.

“As a presidential appointee, I serve at the pleasure of the President and therefore I accept his decision without any ill-feelings,” ani Puno.

Samantala, nabatid na bubusisiin umano ng DOH ang financial record ng FDA kasunod ng pagkakasibak kay Puno para ma­laman kung ano ang mga transaksiyon ng ahensiya na mayroong katiwalian. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia/Eileen Mencias)