Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagsisikap ng pamahalaang lokal kailangan ng kooperasyon

0 269

Ngayong unti-unti nang nagbabalikan sa trabaho ang mga tao, nagpalabas ako ng matinding panawagan sa lahat ng mga taga-Maynila na iwasan muna ang nakasanayang pagkain nang sabay-sabay at sana lang, maging mga hindi taga-Maynila ay gawin din ito.

May malaki at mabuting kadahilanan sa likod ng panawagan kong ito. ‘Yan ay matapos kong mapag-alaman kay Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang namamahala sa mga ospital bilang isa ring doktora, na karamihan pala sa mga tauhan ng aming mga pinatatakbong ospital na nagkakaroon ng coronavirus ay hindi ang mga doktor at medical frontliners na direktang humahawak ng COVID patients araw-araw. Sa halip, ang mga nai-infect ay ang mga administrative staff members na ni walang direktang ugnayan o contact sa mga COVID patients sa anumang paraan.

Gaya ng nakagawian sa mga ordinaryong tanggapan, may tendency ang maraming kawani na gumugol ng napakahabang oras para lamang mananghali kung saan mas matagal pa ang kuwentuhan kaysa sa mismong pagkain.
Napakagandang tradisyon nating mga Pilipino ang pagkain nang sabay-sabay dahil pinagbibigkis-bigkis tayo nito, subalit mahalagang baguhin natin ang ilang nakagawian dala ng pandemya.

Kailangang matuto na tayong kumain nang mag-isa sa trabaho para matiyak ang ating kaligtasan gayundin ng ating mga kasamahan sa hanapbuhay, at maiwasang tayo ay ma-expose sa panganib na makakuha ng impeksyon.

Bakit kanyo? Natural na habang kumakain nang sama-sama, nasa iisang mesa tayo. Siyempre pa, mag-aalis tayo ng mga face mask na siyang pinakamabisa at pangunahing depensa natin laban sa virus. Habang walang proteksyon ang ating mga mata, ilong at bibig na siyang pinapasukan ng virus, magdadaldalan tayo na akala mo wala nang bukas, habang tayo ay magkakatabi at magkakaharap.

Kasabay nito ay nananawagan din ako sa mga kabataan na huwag ihantad ang kanilang mga sarili sa impeksyon at pagkatapos ay mag-uuwi sila ng sakit sa kanilang mga nakatatandang miyembro ng pamilya.

Dahil ang mga kabataang ito ay nabibilang sa grupo na hindi ‘high risk’ at sila lamang ang pinapayagang lumabas sa ilalim ng mga regulasyon ng community quarantine, may mga pagkakataon na hindi na sila nag-iingat. Nariyang sila ay nagkalat sa mga mall, tambay sa labas, naglalaro ng basketball at gumagawa ng iba pang aktibidad kung saan sila ay maaring ma-expose sa virus at tapos ay uuwi nang walang pakialam kung makahawa sila ng kanilang nanay, tatay, lolo o lola.

Ito ang mga dahilan kung bakit kami sa pamahalaang-lungsod ng Maynila ay nagdesisyon na dalhin sa mas mataas pang anta sang lahat ng aming programa para sa pagsawata ng COVID-19.

Noong isang linggo lamang ay matagumpay na naipaabot ng inyong lingkod, kasama si Vice Mayor Honey Lacuna, sa mismong pintuan ng mga mamamayang taga-lungsod, ang libreng serology testing right sa pamamagitan ng dalawang mobile clinics na umiikot sa mga barangay kung saan may pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Walang dapat gawin ang mga residente kundi lumabas lamang ng kanilang tahanan upang magpa-test para sa kung anong dahilan meron sila. Maaring dahil sila ay na-expose sa isang may COVID, may nararamdamang mga sintomas, kailangang bumalik sa trabaho o kaya ay para lang mapanatag ang kanilang mga kalooban.

Halos kasabay nito ang binuksan namin ni Vice Honey na dalawang drive-thru COVID testing centers at tatlong walk-in testing centers nitong mga nakaraang araw lang. Ang pinakahuling walk-in testing center na aming pinasinayaan saJustice Abad Santos General Hospital o JASGEN ay gumagamit ng Architect i2000 SR machine, isang upgraded version ng i1000 machines na ginagamit sa dalawang two drive-thru at unang dalawang walk-in centers sa lungsod.

Lahat ng nasabing machines ay gumagamit ng serology at pawang may 100 percent sensitivity at 99.6 percent specificity. Ito ay mas eksakto at episyente at higit sa lahat, ito ay libre para sa mga taga-Maynila at hindi taga-Maynila. Iba rin ito sa rapid test kits na may ‘false negative’ at ‘false positive.’

Kaugnay pa rin nito ay pansamantalang isinara namin ang 47 health centers ng lungsod, para gamitin ang kanilang mga tauhan sa pagtunton ng mga may impeksyon sa komunidad mismo na kung saan naroon ang health center na kanilang kinabibilangan. Sila ang kakalap ng mga data, mag-iimbestiga ng mga ulat at pati na tsismis na pawang dadaan sa masusing ‘validation.’

Kami sa pamahalaang-lokal ay ginagawa ang lahat ng aming makakaya upang pigilan ang pagkalat ng coronavirus pero kung walang kooperasyon mula mismo sa mga residente ay balewala ang lahat ng ito. Kaya naman hindi ako nagsasawang manawagan sa mga taga-Maynila at maging sa publiko na gawin sana nila ang kanilang papel sa paglaban sa COVID-19.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.