Abante Tonite Interactive

Pagtaas ng ATM fee may basbas ng BSP

363

Maari nang magtaas ang mga bangko ng ATM fees matapos bawiin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang moratorium na ipinatupad nito noon pang 2013.

Ayon sa BSP Memorandum No M-2019-020 na pinirmahan ni BSP deputy governor Chuchi Fonacier noong July 19, 2019, makapagtataas na ng ATM fees ang mga bangko basta susundin nila ang ilang alituntunin.

Isa dito ang pagpapadala ng sulat sa BSP kung saan ilalahad nila kung magkano ang balak nilang itaas at pagbibigay ng costing ng bangko pagdating sa ATM activities nito. Sabi ni Fonacier, kailangang malinaw at suportado ang costing na isusumite para sakaling i-double check ito ng BSP, makikita ito agad.

Dagdag pa ni Fonacier, ang pagtataas ng fees kasama na ang mga convenience fees at iba pa ay susunod sa pricing principles na inilathala ng BSP sa ilalim ng BSP Circular No. 980.

Kailangan ding ipaalam ng mga bangko ang mga ATM fee and charge nito sa kanilang mga kliyente at kaila­ngan ding naka-display ito sa lokasyon ng ATM at sa screen ng ATM terminal. Kailangan ding sabihin ng bangko ang ATM fees at ang fees sa network at kailangang malinaw din may kara­tula na ang mga charges ay bukod pa sa charges ng sisingilin ng bangko ng cardholder. (Eileen Mencias)