Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagtaas ng leptospirosis case nakakaalarma

0 138

AYOKONG maging negatibo habang isinusulat ko ang artikulong ito dahil halos hindi pa tayo nakakaraos sa sunud-sunod na delubyo na dumaan sa ating bansa at ang lahat ng ito ay nangyayari sa gitna ng pandemya.

Ngunit nais kong seryosohin ng ating mga kababayan ang pag-iingat laban sa leptospirosis na ngayon ay patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng naturang sakit at ito ay nakamamatay.

Marami sa ating mga kababayan ang tila binabalewala na ang leptospirosis at itinuturing na lamang itong normal na sakit ngunit dahil sa sunud-sunod na pagbaha sa maraming bahagi ng ating bansa ay tumaas ang kaso nito.

Ang itinuturing na flood-borne disease na ito ay araw-araw pa ring dumadami ang bilang na karaniwan ay nagsimula lamang sa maliit na sugat na binalewala at isinugod sa baha hanggang sa maglabasan na ang mga sintomas.

Ilan sa mga kaso ay hindi agad dinala sa mga pagamutan dahil sa pag-aakala nilang ang pananakit ng katawan, lagnat at pamumula ng mata at pagsakit ng ulo ay sintomas ng COVID-19 at huli na nang matukoy na ito pala ay leptospirosis.

Alam naman natin na ang leptospirosis ay humahawa sa tao mula sa ihi ng daga na humalo na sa baha at karaniwang mabilis mahawa ang may mga sugat kahit pa gaano ito kaliit at may mga kaso na umaabot pa ng ilang araw bago lumabas ang sintomas.

Ang nakakalungkot nagpahayag ang Department of Health (DOH) na posibleng humantong sa medical crisis ang sitwasyon natin sa mga kaso ng leptospirosis dahil sa halos punuan na ang National Kidney and Transplant Institute.

Nakapila na umano ang nagpapa-dialysis dahil sa ang unang tinatamaan ng leptospirosis ay ang kidney na siyang pangunahing dahilan kung bakit ito humahantong sa kamatayan.

Punuan na rin umano ang mga pagamutan sa Lalawigan ng Rizal, Marikina at iba pang karatig-bayan at may mga ospital pang naglalagay na ng tent dahil sa patuloy na pagdating ng mga pasyente na may leptospirosis.

Ang magandang balita naman hinggil sa sakit na ito ay napakadali nitong iwasan sa pamamagitan ng prophylactic antibiotics ayon mismo sa Philippine Society of Nephrology.

Sakaling hindi maiwasang malusong kayo sa baha ng minsan lang o sa isang pagkakataon lamang at wala naman kayong sugat ay ikinukonsidera kayong nasa mas mababang panganib, basta kailangan lamang ay uminom ng single dose ng doxycycline 100 milligrams, bale dalawang kapsula ng single dose sa loob ng 24 hanggang 72 oras.

Kung may sugat naman ay ikinukonsiderang moderate risk at kailangang uminom ng doxycycline 100 mg, dalawang capsules sa loob ng 3-5 araw na agad simulan ng hindi lalagpas sa 72 oras.

Kung naging matagal naman ang pagkakababad sa baha, may sugat man o wala ay itinuturing itong high risk for infection kaya agad na uminom ng prophylactic doxycycline 200 mg minsan isang linggo hanggang sa panahong hindi na kayo lulusong sa baha.

Ayon sa DOH, inaasahang magdaragdagan pa ang mga pasyente ng leptospirosis dahil marami sa ating mga kababayan ang lumusong sa baha noong mga nakaraang linggo at posibleng hindi pa lumalabas ang mga sintomas.

Sa tuwing may pagbaha ay karaniwang nakikita ang mga batang hindi lamang lumalangoy sa baha kung hindi sumisisid pa at maraming mga magulang ang hindi alintana ang malagim na kahihinatnan ng kanilang mga anak sakaling mabiktima ng leptospirosis.

Doblehin natin ang pag-iingat tuwing may baha dahil marami sa ating kababayan ang binabalewala ang leptospirosis at inaakalang ang pagligo ay sapat na para hindi mahawa matapos lumusong sa baha na isang malaking pagkakamali.

Leave A Reply

Your email address will not be published.