Abante Tonite Interactive

Pagtapyas sa SEAG budget ‘di rason sa aberya — Palasyo

0 318

Hindi dapat gawing isyu ang pagtapyas sa pondo para bigyang katuwiran ang mga kapalpakan sa paghahanda sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ito ang inihayag ng Malacañang sa harap na rin ng mga lumutang na reklamo matapos dumating sa bansa ang mga dayuhang atleta na kalahok sa halos dalawang linggong SEA Games.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung tinapyasan man ang inilaang budget para sa SEA Games, magagawan aniya ito ng paraan at mapagkakasya.

“Ang naririnig ko na nirereklamo nila, parang ini-slash daw ‘yung budget.

Appa­rently kahit naman ini-slash eh napapagkasya pa rin. Alam mo ‘yung mga reklamo ng delay, transportasyon, lahat naman ‘yan puwedeng gawan ng paraan,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na sa kabila ng napaulat na mga sablay, dapat ay tuloy-tuloy lamang kung ano ang mga nakalinyang programa at mga aktibidad para sa SEA Games.
“Gayunpaman, lahat ng narini­g na reklamo o iregularidad, iba-validate natin kung totoo,” dagdag pa ni Panelo.
Kaugnay naman sa kagustuhan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na maimbestigahan ang mga kapalpakan, sinabi ni Panelo na may aatasan ang Pangulo na mag-im­bestiga at kapag mapatunayang may basehan ang mga naiulat ay mayroong mananagot.
Samantala, sinalo na agad ng kanyang kasamahan sa Kamara si Cayetano sa harap ng mga kontrobersiya bago pa man ang pormal na pagsisimula ng 30th SEA Games.
“Of course, he’s our Speaker and therefore I don’t think an investigation will prosper in the House,” sabi ni Salceda sa Kapihan sa Maynila Bay news forum.
Si Cayetano ang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) na inulan ng mga batikos kaugnay ng mga kapalpakan sa pagha­handa sa SEA Games. (Aileen Taliping/Prince Golez/Lorraine Gamo)