Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagtatanim sa UP

0 112

Ano ang layunin ng administrasyong Duterte sa ginawang makaisang-panig (at kung gayon, ilegal) na pagbasura ni Sec. Delfin Lorenzana, Jr. sa kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense at Unibersidad ng Pilipinas, na nilagdaan noong 1989, na nagbabawal sa presensya ng militar at pulis sa loob ng mga kampus nito nang walang pahintulot at koordinasyon?

Nirespeto nang lahat ng administrasyon, mula kay Cory Aquino hanggang kay Noynoy Aquino, ang naturang kasunduan bilang pagkilala sa kahalagahan ng pagtataguyod ng kalayaang akademiko at pagpapanatili sa UP bilang ligtas na espasyo para sa malayang talakayan ng lahat ng mga ideya at paniniwala. Sa argumentong inilalako ng mga bayarang troll ng administrasyon – bakit daw hinahayaang magrali laban sa gobyerno ang mga iskolar ng UP na pinapag-aral mismo ng gubyerno – simple lang ang sagot: dahil obligasyon ng gobyerno na irespeto ang kalayaang magpahayag ng bawat Pilipino, kabilang ang mga iskolar ng UP.

Ayon kay Lorenzana, at lalo’t higit kay Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., ang red-tagger ng administrasyon, binasura nila ang kasunduan upang mapigilan ng militar at pulis ang ilang mga guro at estudyante ng UP na nagrerekrut umano para sa CPP-NPA-NDF, bagaman wala silang pinakikitang ebidensiya nito. Tama si Prof. Randy David sa kanyang babala na kung mananaig ang pananaw nina Parlade, manghihimasok ang militar at pulis sa pagpasya kung sino ang maaaring magturo sa unibersidad, ano ang kanilang maaaring ituro, at maging ang kanilang paraan ng pagtuturo. Matatawag pa bang demokratiko ang ating lipunan kung ang mga heneral ang nagtatakda kung ano ang pwede at hindi pwedeng ituro sa ating mga paaralan?

Isang bagay ang hindi maitatanggi: nais supilin ng administrasyong Duterte ang UP dahil nagsisilbi itong sentro ng kritisimo at protesta sa harap ng kabiguan ng administrasyong Duterte na epektibong matugunan ang krisis pangkalusugan at pangkabuhayan na dala ng pandaigdigang pandemya.

Kaugnay nito, hindi dapat maliitin bilang bunga lamang ng katangahan ang mga pahayag nina Armed Forces of the Philippines spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo (“Paano kung may shabu lab sa loob ng UP?”) at ni Philippine National Police spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana na “crime hotspot” umano ang Barangay UP Campus sa Diliman (bagay na pinabulaanan ng administrasyon ng UP Diliman).

Kinukundisyon nila ang publiko upang mabigyang-katwiran at maisagawa ang kanilang paboritong modus laban sa mga aktibista: paglunsad ng “law enforcement operations” (pagsilbi ng warrants of arrest o search warrants) sa mga bahay at opisina sa loob ng campus, sa ngalan ng kampanya laban sa droga at kriminalidad. Hindi nila ito madaling magagawa habang nariyan ang kasunduang DND-UP. Mahihirapan ang AFP at PNP na magtokhang sa mga target nilang aktibista na palalabasin nilang “nanlaban,” o di kaya’y magtanim ng baril at granada, kung obligado silang ikoordina at nasusubaybayan sila ng mga awtoridad ng UP.

Dapat itaguyod ang kasunduang DND-UP at ipaglaban ang kalayaang akademiko sa lahat ng mga paaralan!

Leave A Reply

Your email address will not be published.