Abante Tonite Interactive

Pagtatapos sa kolehiyo ‘di na pangarap lang – Salceda

2,768

Hanggang kamaka­ilan, malabong pangarap lamang ang makapag-aral at makatapos ng kurso sa kolehiyo para sa mga kabataang mula sa mahihirap na pamilya.

Simula ngayong taon, katotohanan na ito at tiyak na makakatapos sila ng kurso basta gusto nila.

Nilagdaan na kamakailan ng mga pinuno ng 112 state universities and colleges (SUCs), 78 local universities and colleges (LUCs) at ng Commission on Higher Education (CHED) at Unified Student Financial System for Tertiary Education (UniFAST) ang isang Memorandum of Agreement (MOA) o kasunduan para sa implementasyon ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2018 (UAQTEA), ang batas para sa libreng pag-aaral sa kolehiyo.

May paunang P41 bilyon ang laan para sa programang ito.

Ayon kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ang principal author ng RA 10931 sa Kongreso, ang free college education ay tiyak na hakbang tungo sa pagpapalawak at pagpapalago sa ‘middle class’ ng bansa, at badya ito ng “‘next wave social revolution’ sa pagtatatag ng isang tunay na pantay-pantay na lipunan”.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang UAQTEA Agosto noong nakaraang taon. Sinaksihan din niya ang paglagda sa MOA nitong Hunyo sa Malacañang kung saan pinuri niya ang mga nagsikap para magkatotoo ang ‘free tertiary education’ na isang “mailap na pangarap”.

Mga 1.3 milyong estudyante ang tinatayang sasai­lalim sa UAQTEA ngayong SY 2018-19 na ang 300,000 ay mula sa mga pamilyang kasama sa 4Ps ng pamahaan. Bukod sa libreng tuition at iba pang bayarin, tatanggap din sila ng buwanang P3,500 bilang ‘cost of living allowance’ at minsanang P5,000 bilang book allowance.

Sa ilalim ng UAQTEA, paliwanag ni Salceda, ang mahihirap na estudyante mula sa mga pamilyang kasali sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay maaaring mag-aral sa mga pribadong kolehiyo kung walang SUC o LUC malapit sa kanila at susuportahan sila ng pondong pahiram sa pamamagitan ng UniFAST na siyang namamahala sa lahat ng Student Financial Assistance Programs ng pamahalaan.