Abante Tonite Interactive

Pagtatayo ng permanenteng evacuation center, aprub kay Digong

By ,
307

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magtayo ng mga permanenteng evacuation center sa mga lugar na malimit daanan ng bagyo para hindi na magamit ang mga paaralan sa panahon ng kalamidad.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo makaraang hilingin ni Education Secretary Leonor Briones na kung maaari ay limitahan ang paggamit ng mga paaralan bilang mga evacuation center dahil nadidiskaril ang klase ng mga estudyante.

Ikinatwiran ni Briones na napipilitang mag-aral ang mga estudyante sa mga temporary learning shelter na hindi nakakatiyak sa kanilang kaligtasan.

Sinabi ng Pangulo na palalagyan niya ng 10 palikuran ang mga ipapatayong evacuation center at hiwalay ang para sa lalaki at babae.

Hiningan ni Pangulong Duterte ng position paper ang pamunuan ng NDRRMC para maasikaso ang pondo para dito.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan naman si Briones sa Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) para sa paghahanda, monitoring at pagresponde sa mga paaralan na gagamiting evacuation center.

“Malaki po ang maitutulong ng mga paaralan dahil sa mara­ming pamilya ang nasasagip at doon na dinala para ligtas,” ayon sa kalihim.

Nasa 19,704 eskuwelahan ang handang ipagamit bilang evacua­tion center sa 11 rehiyon, marami dito ay sa Region 1 at 2 kung saan dadaan ang super typhoon Ompong.