Abante Tonite Interactive

Pagtitipid sa paggamit ng tubig

0 89

Inatasan ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang mga empleyado ng city hall na magti­pid sa paggamit ng tubig at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga gripo sa lahat ng pasilidad ng lokal na pamahalaan.

Pinakilos ni Estrada si City Administrator Atty. Ericson Alcovendaz upang magtalaga ng mga inspector sa mga banyo ng city hall at parke na nasa pamamahala ng lungsod para siguruhing walang nasasayang na tubig sa gitna ng dinaranas na krisis sa supply nito sa maraming bahagi ng Metro Manila.

Bagama’t normal ang supply ng tubig sa Maynila, umapela ang alkalde sa mga may-ari ng carwash at mga hotel sa siyudad na maging masinop sa paggamit ng tubig upang makatulong sa mga kinakaharap na problema.

“Iyong mga car wash business, puwede naman sigurong mag-quota system muna sila para hindi rin naman masyadong marami ang tubig na magagamit. halimbawa, hanggang 10-20 sasakyan muna sa maghapon. Ang mga hotel naman, kanselahin muna ang pagpapalit ng tubig sa kanilang mga swimming pools kung hindi kailangan,” ani Mayor Erap.

Nais din ng alkalde na maging handa ang mga bumbero sa pagrarasyon ng tubig sa mga komunidad na mahigpit ang pangangaila­ngan.

“Hahatiran natin ng tubig lalo na ang mga komunidad na maraming sanggol at mga senior citizens dahil kailangan talaga ang tubig,” dagdag ng alkalde.

Pinatitiyak din ni Mayor Erap ang sapat na supply ng tubig sa mga ospital sa lungsod upang hindi masakripisyo ang pangangaila­ngan ng mga pasyente.