Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pagtutuwid at pagtatama sa panahon ng krisis!

0 148

Ukol sa pagtutuwid at pagtatama sa mga nagkasala ang Ebanghelyo (Mt 18:15-20) ngayong Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon- bagay angkop at napapanahon ngayong pandemya kung kailan napakaraming ‘pasaway’.

Salamat sa Diyos at tila nababanaag na ang inaasam na ‘flattening of the curb’ ng mga eksperto dahil sa disiplina na ipinaiiral ngayong unti-unti nang nagbubukas ang mga establisyemento ngunit sa kabila ng pagluluwag, patuloy ang pag-iingat ng tanan.

Naiintindihan natin ang paghihigpit ng Inter Agency Task Force (IATF) dahil buhay at kalusugan ng marami ang nakasalalay. Gayunman, bilang mga Kristiyano di natin matanggap ang kalabisan ng ilang LGU, udyok ng takot sa lalong paglaganap ng COVID-19.

Sa Mabuting Balita ngayong araw, binibiyang diin ni Hesus ang responsibilidad ng mga Kristiyano sa gawaing pagtatama sa mga nagkasalang miyembro ng komunidad. Inilahad ni Kristo ang talatuntunan ng pagtutuwid sa kapwa.

Una, hinihingi ng tawag ng pagmamahal na kausapin ng ‘sarilinan’ ang taong nagkasala. Magkamali man ang isang indibidwal, hindi inaalis sa kanya ang karapatan na ingatan ang kanyang dangal. ‘Pagtatama’ hindi ‘pamamahiya’ ang tamang paraan ng pagtutuwid!

Ikalawa, ang hindi kaya ng isa ay maaaring magawa ng may kasama; hIndi upang pagtulungan ang nagkamali, kundi upang kumbinsihin ito na baguhin ang gawi sa pamamagitan ng pagpapamalas ng tunay na malasakit. Mahalaga ang pagpili ng tamang tao na makakasama sa pagtutuwid.

Ikatlo, saad ni Kristo, kung tatangging makinig ang taong nagkasala, maaaring pumasok sa eksena ang Simbahan o komunidad na dapat magpakita ng respeto sa pagkatao ng dinidiin. Sa panahon ng pandemya, ang kamay na bakal ng batas at agresyon ng mga sundalo, kalimitan ay nagpapagulo lang ng sitwasyon.

Sa huli, saad ng Panginoon, kung hindi talaga umubra ang mga ‘pantuntunan’ ng Simbahan sa pagtatama, payo niya na ipaubaya na sa Diyos at bumaling sa panalangin. Dito pumapasok ang kahalagahan ng sama-samang panalagin para sa pagbabago ng mga walang-pakialam.

Leave A Reply

Your email address will not be published.