Abante Tonite Interactive

Pagwalis sa iligal na droga may pag-asa pa ba?

0 212

Habang mainit ang sagutan ng mga opisyal ng administrasyon at oposisyon sa isyu ng panandaliang pagi­ging ‘drug czar’ ni Vice President Leni Robredo, sinasamantala naman ng mga drug syndicate ang pagkakataon para maipagpatuloy ang kanilang illegal drug trade sa bansa.

Nitong nakalipas na araw lamang ay magkasunod na nahuli ng mga awtoridad ang isang Chinese national at dalawang Pinoy na courier nito kung saan nasamsam sa mga ito ang kilo-kilong shabu na pinakamalaking huli sa taong ito.

May kabuuang 371 kilo ng shabu ang nakuha sa suspek na si Liu Chao na nagkakahalaga ng P2.522 bilyon habang 117 kilo ng shabu naman sa dalawang Pilipinong courier nito na nagkakahalaga ng tinatayang P115 milyon.

Ayon sa mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group, ang mga nasamsam na shabu ay ipinasok sa bansa ng suspek na Chinese national.

Nakapagtatakang sa kabila ng mahigpit na kampanya at pagbabantay laban sa pagpasok ng iligal na droga ay nalusutan ang mga awtoridad at walang kahirap-hirap na naipasok ito sa Pilipinas.

Ayaw ko namang isiping may bertud si Chao na naging invi­sible pagpasok sa airport kaya hindi nakita at nasita ng mga awtoridad ang dala nitong iligal na droga.

Ayaw ko rin uling isiping sira at pumalya ang X-ray machine sa airport kung saan ito pumasok kaya hindi nakita ang bagahe nitong may lamang kilo-kilong shabu.

O baka naman ang mga awtoridad ang may problema sa mata, baka nabulag kaya hindi nakita ang iligal na droga ng Chinese national.

Aminin man o hindi ay may mga natutukso sa kaway ng shabu dahil mismong mga nasa poder ay nagagawang lamunin ng ma­ling sistema, katulad na lamang ng mga ninja cop na sinayang ang serbisyo dahil sa kagustuhang magkaroon ng ‘easy money’.

Mistulang kanser ang problema sa iligal na droga dahil sa kabila ng mga ginagawang aksiyon ng gobyerno para malutas at mawalis ito sa bansa ay wala pa ring pagbabago hanggang ngayon.

Mahigit tatlong taon na ang kampanya ng gobyerno sa iligal na droga subalit tila hindi maubos-ubos ito kahit pa nalansag na ang mga shabu laboratory sa bansa at marami na ang bilang ng mga nalagas sa sindikato.

Ang masaklap dito ay ang mga naging biktima ng shabu na nagumon at nasira ang buhay habang ang iba ay nawala sa mundo dahil sa shabu.

Isipin na lamang kung ilang buhay at pamilya pa ang sisirain kung hindi nasabat at nakumpiska ang mga iligal na droga mula sa mga suspek.

May pag-asa pa bang matigil ang pagkalat ng iligal na droga sa bansa o talagang malalim na ang ugat nito sa lipunan kaya kahit ano mang pagsisikap na lutasin ito ay hindi nagtatagumpay?

Sana dumating ang panahon na magkaisa ang sambayanan at magkaroon ng mas epektibong mga hakbang para malutas ang problema alang-alang sa kapakanan at kaligtasan ng susunod na henerasyon.