Abante Tonite Interactive

Pahabol sa takipsilim

273

Nakakita ng liwanag at nabuhayan ng loob ang mga beterano ng Ikalawang Digmaan dahil sa magandang pasalubong sa kanila ng gobyerno ngayong 2019.

Ito ay dahil sa itinaas na pension ng mga beterano ng Korean at Vietnam war matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagtatakdang dagdagan ang kanilang tinatanggap na buwanang pensiyon na P5,000.

Dahil sa bagong batas, tatanggap na ng P20,000 kada buwan ang mga beterano ng Ikalawang Digmaan, na malaking tulong para sa kanila.

Kung tutuusin ay dapat noon pa dinagdagan ang pension ng mga beterano ng ikalawang digmaan dahil sa sakripisyo nila pero tila hindi sila naging prayoridad ng mga nagdaang Kongreso.

Taon-taon kapag dumarating ang Araw ng Kagitingan ay makikita ang mga senior war veterans na umaakyat sa Dambana ng Kagi­tingan sa Pilar, Bataan at kahit hirap na hirap na sa pag-akyat sa dambana ay pinipilit pa rin ng mga ito sa pagbakasakaling makarinig ng magandang balita mula sa mga nagdaang Presidente ng bansa.

Pero ilang taong bigo sa paghihintay ang mga beterano kaya nagtitiis sa P5,000 buwanang pensiyon mula sa gobyerno.
Pero dahil sa bagong batas, naging triple ang idinagdag sa pensiyon ng mga beterano at hindi na sila mahihirapan mas­yado sa kanilang mga pang-araw-araw na gastusin.

Napapanahon ang paglagda sa batas dahil nasa huling yugto na ng kanilang buhay ang mga natitirang beterano sa bansa. Karamihan sa mga war veteran ay mayroon nang karamdaman dala ng katandaan at mayroong mga maintenance ng gamot na hindi sapat ang P5,000 buwanang pensiyon.

Batay sa record ng Philippine Veterans Affairs Office, nasa 6,074 na lamang ang buhay na senior ve­terans at inaasahang mababawasan ang mga ito sa mga susunod na taon.

Pero nililinaw ng bagong batas na ang tanging makikinabang sa dagdag-pensiyon ay mga beterano lamang ng Korean at Vietnam War na hindi tumatanggap ng ano mang pension mula sa Armed Forces of the Philipines. Para lamang ito sa mga buhay na senior veteran at hindi ito maaa­ring ilipat sa sinomang miyembro ng pamilya o dependent .

Dapat pasalamatan ang mga mambabatas na nagsulong ng panukalang batas para sa dagdag-pensiyon dahil napagtuunan ng pansin ang kapa­kanan ng mga bete­rano ng ikalawang digmaan, — ang mga buhay na bayaning halos makalimutan na ng panahon at gobyerno.

Ang kredito ay para kay Congresswoman Geraldine Roman na nagsulong ng panukalang batas at Congressman Leopoldo Bataoil na sumuporta hanggang naging ganap na batas matapos itong lagdaan ng Pa­ngulo.

Sana sa mga susunod na panahon ay mayroong sisibol na mga mambabatas na magtutuon ng pansin sa kapakanan ng mga matatanda, mga senior citizen at ibigay ang nararapat na kalinga at pagpapahalaga sa mga ito bago pumanaw sa mundo.