Abante Tonite Interactive

Pahalagahan ang kabataan

139

Dear Abante Tonite:

Ipinagdiwang nitong nakaraang araw ang World Children’s Day. Ito ay bilang pagpapahalaga at pagkilala ng UNESCO at iba pang mga organisasyon sa karapatan ng kabataan.

Naalala ko lang kasi, napakaraming uri ng pang-aabuso sa kabataan. Kaliwa’t kanan ang isyu ng sexual harassment, rape, child labor, at child warrior.

Maraming kabataan ang hindi na rin nakakaranas ng tunay na pagiging bata dahil sa murang edad ay napapasuong sa child labor.

Sa dami ng mga NGO at mga programa para protektahan ang karapatan ng kabataan, ‘di ko lubos maisip na hanggang ngayon marami pa rin ang kaso ng paglabag sa karapatan nila.

Kamakailan lamang ay may mga namatay na kabataan sa engkuwentro ng mga sundalo at New People’s Army. Nanlulumo ako na nagaganap pa rin ang ganitong insidente sa bansa. Sa mga balita naman sa TV at radio, mayroon ding mga batang babae at lalaki na hinahalay hindi lamang ng mga ‘stranger’ pero sa mismong bahay pa nila nagaganap ang pang-aabuso.

Nakakalungkot lang na ‘yun sanang mga tao na dapat ay mauuna silang protektahan ay sila pa ang nauunang uma­buso sa mga musmos at mga murang isip ng mga bata.

Nakakadurog ng puso ang paghihirap ng kabataan hindi lang sa Pilipinas pero maging sa ibang bansa. Marami sa kanila wala ring bahay. Walang makain. Walang magulang na nag-aaruga.

Kung susuriin natin, napakasuwerte pa ng mga bata dito sa ating bansa dahil kahit paano ay medyo mataas ang pagpapahalaga nating mga Pinoy sa ating pamilya. Pero ganu’n pa man, dapat bawat isa sa atin ay may pakialam at may papel na gagampanan sa buhay ng kabataan.

Samantha Antazo
Breaking Silence Movement