Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pahalagahan ang mga Bagong Bayani

0 82

Pista opisyal nitong Lunes, Agosto 30, dahil sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani. Sa mga regular na empleyado, may suweldo pa rin sila kahit na hindi pumasok sa trabaho. Masuwerte naman ang naka-duty sa araw na ito dahil 200% ang matatanggap nilang suweldo sa 8 oras na trabaho, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Pero ang tinuturing na modernong bayani nating mga healthcare worker, mukhang hindi masaya sa pagdiriwang ng National Heroes Day. Marami sa kanila ay nganga pa rin sa benepisyo. Nasa hukay na ang kaliwang paa, hindi pa rin nakukuha ang hazard pay, special risk allowance at iba pang benepisyo. Mayroon namang nabigyan na ng benepisyo, hindi naman happy sa nakuhang halaga.

Iinit talaga ang ulo ng mga health worker noong nalaman nilang malaking bahagi ng pondo ng Department of Health (DOH) ang hindi ginamit noong 2020 as in binuro lamang.

Nahukay din ng Commission on Audit (COA) ang overpriced na face mask, face shield at personal protective equipment (PPE). Habang nagpapakahirap ang marami nating kababayang health worker sa pakikipaglaban sa COVID-19, may gumagawa naman ng paraan para kumita sa pandemya.

Kaya sabi ni Senador Panfilo Lacson, hindi niya tatantanan ang mga taong nagsasamantala sa pondo ng bayan. Ang masaklap kasi nito, inutang pa ito ng gobyerno na babayaran ng sambayanang Filipino.

“What makes it worse, sa gitna ng pandemya, may kumikita,” sabi ni Lacson sa interview ni Cely Bueno ng DWIZ noong Sabado. “At ang perang ito galing sa utang. ‘Di ba magagalit ka?”

SM food to go Banner Ad

Umuusok din sa galit si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III nang malamang isang maliit na kompanya ang kinontrata ng Procurement Service ng Department of Budget and Management sa pagbili ng mga napakamahal na gamit ng mga health worker.

“Umutang tayo ng napakalaki para sa pandemya, tayo ang magbabayad, kinorner ng isang maliit na kumpanya? What do u expect?” banat ni Sotto.

Kung hindi na kaya ng gobyerno na bigyan ng tamang benepisyo ang mga health worker ay hayaan na lamang silang magtrabaho sa abroad. Kumbaga, palayain na sila mula sa pagkakakulong sa ‘Pinas.

Sa ngayon kasi, 6,500 lamang ang puwedeng makapagtrabaho sa kanilang hanay bawat taon. Gusto kasi ng gobyerno na kontrolin ang mga nars, doktor at iba pang medical staff upang hindi magkulang ang mga nagtatrabaho sa mga ospital sa bansa habang may pandemya.

Ilang beses nang sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno na ang mga healthcare worker ang mga bagong bayani ng Pilipinas. Sana bigyang katuparan ito at pahalagahan ang kontribusyon nila sa pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.