Abante Tonite Interactive

Pahinante todas sa ‘killer highway’

160

Isang biyahero na naman ang nagbuwis ng buhay sa tinaguriang “killer highway” sa Atimonan, Quezon matapos sumalpok sa puno ang sinasakyan nitong truck, Huwebes ng umaga.

Ayon sa report ng Atimonan police, nangyari ang aksidente sa Maharlika Highway New Diversion Road sakop ng Barangay Sta. Catalina mag-aalas 7:00 ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Jerry Comoseno, tinatayang nasa 30-35 anyos, truck helper, residente ng Gapan, Nueva Ecija.

Sugatan din ang 23-anyos na driver ng truck na si Zoren Buenaventura, isa pang pahinante na si Roberto Eglobo, 24; at ang negosyanteng may-ari ng truck na si Francisca Dyico, 60-anyos.

Patungo umano sa direksyon ng Bicol ang forward truck na kargado ng bigas mula sa Nueva Ecija nang mawalan ito ng preno sa pababang bahagi ng kalsada.

Bunsod nito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumangga ito sa puno ng narra na nasa gilid ng highway.

Agad isinugod sa Doña Martha District Hospital sa Atimonan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang pahinante dahil sa pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Ang mahigit na 4-kilometrong bahagi ng new diversion road na nag-uugnay sa bayan ng Pagbilao at Atimonan partikular ang mga bulubunduking parte na sakop ng mga barangay ng Malinao at Sta. Catalina ang tinaguriang killer highway sa dami ng aksidenteng nagaganap dito taon-taon.

Isa sa itinuturong dahilan ng madalas na aksidente ay ang mga matatarik at mahahabang lusong at ahon na kung hindi kabisado ng nagmamaneho ay mapanganib sa mga bumabagtas dito. (RONILO DAGOS)