Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pahintulutan ang mga bata

0 90

Nitong nakaraang linggo, patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga natatalang kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw. Ibinaba na ng Department of Health ang buong bansa sa klasipikasyong “low-risk for COVID-19,” bagaman nananatiling “moderate” ang Metro Manila, Cagayan Valley, Zamboanga Peninsula, Cordillera, at Ilocos Region. Malinaw na humuhupa na ang pinakahuling daluyong na pinaniniwalaang binunsod ng paglaganap ng Delta variant.

Nagdeklara na ng pagluwag sa mga restriksyon sa pagkilos ang gubyerno, sa pambansa at maging sa lokal na antas. Ibinaba na sa Alert Level 3 ang National Capital Region, Cavite, Laguna, at Rizal. Itutulak ng Department of Tranpsortation na pahintulutan ang 100% capacity sa pampublikong transportasyon. Hangad ng mga economic managers ng administrasyong Duterte na mapasigla ang kilos ng populasyon at kalakal, sa gitna ng mga bago at nakababahalang senyales mula sa pandaigdigang merkado, tulad ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Magtutuloy-tuloy nga ba ang pagbuti ng kalagayan ng bansa tungo sa isang maligayang pasko at manigong 2022? Anuman ang mangyari, marapat na bigyan ng diin at pagmuni-munihan ang isang natatangging aspekto ng tugon sa pandemya na pinatupad ng gubyerno. Sa buong daigdig, tanging ang administrasyong Duterte lamang ang nagpasya at nagpatupad ng pinakamahaba at walang humpay na lockdown, mula sa simula ng padaigdigang pandemya noong Marso 2021 at nagpapatuloy hanggang ngayon, sa menor de edad na populasyon ng Pilipinas.

Ayon nga sa pinakahuling paglilinaw ni Presidential Spokersperson Harry Roque: “As a general rule, stay home pa rin ang mga bata habang hindi pa sila bakunado.”

SM food to go Banner Ad

Walang duda na malaking kaluwagan ang dinulot sa gubyerno ng pagkwarantina sa mga menor de edad, na bumubuo sa tinatayang 40% ng populasyon (o 40 milyon ng 110 milyon). Di hamak na mas mataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19, at ng mga malubang nagkakasakit at nangamamatay, kung pinahintulutan silang lumabas ng tahanan, makihalubilo sa mga kapitbahay, mamasyal sa mga mall, at higit sa lahat, pumasok sa paaralan nang araw-araw.

Ngunit kailangan nating harapin ang kabilang mukha nito.

Pilipinas na lamang ang tanging bansa sa buong mundo na hindi pa rin nagpapahintulot ng panunumbalik ng mga kabataan sa paaralan para sa face-to-face classes. Batid nang lahat ang kakapusan ng modular at distance learning bilang pamamaraan ng pagturo, ngunit ito lamang ang pinagbuhusan ng pansin at rekurso ng Department of Education nitong nakaraang 17 buwan.

Pambihira, walang kapantay, at pangmatagalan ang pinsalang dinudulot sa kabataang Pilipino ng patuloy na pagkait ng kanilang mga karapatan. Higit sa lahat, ng kanilang karapatan sa edukasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.