Abante Tonite Interactive

Painting ng pagbibinyag sa Pilipinas bilang Kristiyanong bansa, isasapubliko ng CBCP

283

Ipapakita sa publiko ng Catholic Bi­shops Conference of the Philippines (CBCP) ang isang painting na nagpapa­kita sa unang pagbibinyag sa Pilipinas bilang kristiyanong bansa.

Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, vice-president ng CBCP, ito ay isang orihinal na mural o malaking painting ng binyag ni King Humabon at Reyna Juana o Reyna Humamay.

Sinabi ni David na hindi sinasadyang natagpuan ito sa lumang tanggapan ng CBCP sa Maynila.

Aniya, pinasuri nila ang painting at lumabas itong authentic at orihinal na likha ng national artist na si Fernando Amorsolo.

Makikita rito ang pagbibinyag bilang mga Kristiyano kina Haring Humabon at Reyna Juana na Reyna Humamay ang tunay na pangalan. Ang binyag ay may petsang Abril 14, 1521.

Isang imahe rin ng Santo Niño ang naging regalo ni Magellan sa mag-asawa na siyang simula ng pananampalataya kay Hesus sa pamamagitan ng imahe ng kanyang kabataan- at ang debosyon ng mga Filipino sa Niño Jesus.

Ang debosyon ng Santo Niño ay isang popular na debosyon ng mga Pilipino na taunang ipinagdiriwang lalo na sa Visayas region.

Inaasahan ding magpapalimbag ang simbahan ng Pilipinas ng kasaysayan ng pananampalatayang Pilipino kaugnay sa mga unang misyonero ng simbahan sa bansa.

Ipagdiriwang ng Pilipinas ang ikalimang sentenaryo o 500 taon ng kristyanismo sa bansa sa 2021. (Mia Billones)