Abante Tonite Interactive

Pakapalan ng mukha

By
1,505

Mabigat ang mga binitawang pahayag ni Senador Panfilo Lacson laban sa mga kongresista na nagsusulong ng pagretoke sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly o Con-Ass. Tinawag niyang makapal ang mukha ng mga ito dahil kaya lang naman daw isinusulong ang Charter change ay para sa pansariling interes dahil sa matatanggal ang term limit o kaya ay makakansela ang halalan.

Halos 300 ang miyembro ng Kamara pero isa sa umaray sa pahayag ni Lacson ay si Deputy Speaker Fredenil Castro. Sinabi niyang unparliamentary ang banat ni Lacson. Nag-sorry naman si Lacson dahil ang sinabi niya dapat ay ‘doble ang kapal ng mukha’. Sa mga hindi nakakaalam, si Castro ay dating supporter ng natalong presidential candidate na si Mar Roxas pero pagkatapos ng halalan ay tumambling sa kabilang bakod.

Hindi lang naman ang mga kongresista ang masasabing makapal ang mukha. May miyembro din ng gabinete ang makapal ang mukha sa tingin ng mga taong nahihirapan at nagdurusa sa kapalpakan ng opisyal.

Halos araw-araw na lang nagkakaroon ng aberya sa byahe ng MRT-3. Parang nasanay na ang mga mananakay na palaging nasisiraan ang tren. Nandyan pa rin ang matinding trapik sa EDSA at sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Nagkaroon din ng problema sa maleta ng isang overseas Filipino worker matapos na nakawin ang mahahalagang bagay sa loob ng bagahe nang dumating ito sa Clark International Airport. Hindi ito pinansin ng opisyal ng gobyerno pero nang si Pangulong Rodrigo Duterte na mismo ang nagalit, doon pa lang siya umaksyon.

Maraming pasahero ang naistranded matapos ilarga ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang ‘Tanggal Bulok,Tanggal Usok’. Sa kampanyang ito, hinuhuli ng Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mauusok at bulok na pampasaherong jeep, bus at taxi. Sa ganitong paraan, parang pinipilit na rin ng gobyerno na bumili ang mga driver at operator ng bagong jeep alinsunod sa jeepney modernization program ng gobyerno.

Yun nga lang, nag-backfire sa gobyerno ang kampanya sa ‘Tanggal Bulok,Tanggal Usok’ dahil maraming jeep ang hindi pumasada sa takot na mahuli kaya maraming pasahero ang stranded. Galit na naman ang publiko at baka sinabi din nilang ‘Style nyo Bulok!’ sa mga opisyal ng gobyerno.

Kung balat sibuyas si Transportation Secretary Arthur Tugade, matagal na sana siyang nagbitiw sa trabaho dahil sa mga batikos na ibinabato sa kanya. Hindi naglaho ang problema sa MRT, pero lumalala pa ito dahil araw-araw na lang itong tumitirik. Hindi rin nabawasan ang trapik sa EDSA. Hindi rin bumuti ang lagay ng transportasyon sa bansa.

Kung manipis ang mukha ni Tugade, hindi niya sisisihin ang mga undersecretary at assistant secretary sa mga kakulangan sa serbisyo publiko ng ahensiya. Wala sa bokabularyo ng kalihim ang salitang ‘command responsibility’. Kumbaga, para sa kanya, ‘kalat nyo, hila nyo’.

Hindi naman ‘endangered species’ ang tuko pero ang lakas ng kapit ni Tugade sa kanyang puwesto. Napaniwala siguro ang kalihim sa pagdepensa sa kanya ni Pangulong Duterte noong nakaraang taon. Sabi ng Pangulo, bilyonaryo si Tugade kaya hindi niya kailangan pang mangurakot sa gobyerno.

Teka lang! Sinabi ba ng mga militanteng kongresista na kurakot si Tugade? Ang alam ko, hindi ang bulsa ang binubulatlat ng mga kongresista kundi ang mukha ng kalihim ang kanilang pinupuna.