Abante Tonite Interactive

Pakinabang ng CCTV

By
219

Ang laki talaga ng gamit ng Closed Circuit Television (CCTV), hindi lamang panlaban sa krimen kundi panlaban sa mga kriminal kaya naman pasado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panu­kalang obligahin ang lahat ng establishment, negos­yo, at mga tanggpaan ng gobyerno na maglagay ng CCTV sa kanilang bisinidad at nasasakupan.

Marami na ring mga bahay ang naglagay ng CCTV bilang kanilang proteksyon o kaya kapag may sumalbahe sa kanila eh makikilala nila ang mga kriminal at alam nila kung sino ang sasampahan ng kaso.

Pero sana naman, mayroong nagmo-monitor ng CCTV para agad maagapan ang krimen.

Karaniwang nangyayari kasi, saka lang sisilipin ang CCTV kung may nangyaring krimen.

Kung may nagmo-monitor siguro hindi magta­tagumpay ‘yung mga Salisi Gang sa mga restaurant na lagi nating napapanood sa mga balita sa telebis­yon, dahil bago pa man makatakas ang mga kawatan ay may haharang na sa kanila.

Ang mga barangay ang dapat mamuhunan ng CCTV lalo na sa mga depressed area para proteksyunan ang kanilang constituent at kung maaari eh ‘yung high definition na sana para malinaw ang kuha.

Kahit sa mga pinakasulok dapat ng eskinita ay dapat lagyan ng CCTV at hindi lang ang harap ng barangay para ma-monitor hindi lang ang galaw ng kanilang mga constituent at proteksyon na rin ito sa mga tao kung mayroong gagawa ng krimen sa kanilang barangay.

Ang mga barangay din sana sa mga malalayong lalawigan hindi lang sa mga lungsod ay maglagay na rin ng CCTV dahil meron namang IRA ang bawat barangay na kung saan-saan lang ginagamit.

Kung wala kasi ang CCTV ay hindi nalaman ng publiko kung papaano namatay si Kian Loyd delos Santos sa kamay ng tatlong police-Caloocan na nagsagawa daw ng Oplan Galugad.

Ang kuwento ng mga pulis na lumaban si ­Delos Santos kaya nila binaril at napatay ang mangi­ngibabaw at pilit na ipapaniwala sa atin pero dahil merong CCTV, nabago ang kanilang kuwento.

Kahit siguro kaanak ng mga pulis na P03 Arnel Oares, P01s Jeremiah Pereda at Jerwin Cruz na ina­akusahang pumatay kay Delos Santos ay hindi maniniwala sa kuwento nila na lumalaban ang biktima.

Pilit din nilang ipinalalabas na asset nila ‘yung bitbit nila na bata na nahagip ng CCTV pero sabi nga ni Gus Abelgas, “hindi nagsisinungaling ang ebidensya”. Depensa na ‘yung hepe lang nila ang maniniwala.

Pero malas lang talaga nina Oares, Pereda, at Cruz dahil tinutukan ng publiko ang nagawa nilang krimen at paglalagay sa batas sa kanilang kamay kaya siguradong magdudusa sila sa krimeng ­nagawa dahil sa CCTV.

Mga bagito pa lang sa serbisyo pero tinapos na nila ang kanilang career nang maaga, tinapos ng CCTV ang kanilang maliligayang araw at siguro talagang inadya na mangyari ‘yun dahil mantakin mo kung magtatagal pa sila sa serbisyo.

Sana lang din ay magsilbing aral sa mga pulis ang kaso nina Oares, Pereda, at Cruz na hindi kayo sasaluhin ng pangulo sa krimeng magagawa niyo sa gitna ng giyera kontra iligal na droga. (dpa_btaguinod@yahoo.com)